ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Lagi akong nagpapa-vulcanize ng gulong kasi laging may pako. Hindi ko alam kung sinasadya o aksidente lang. Pero sa isang buwan halos sampung pako ang nakukuha sa gulong ko. Isang taon ng ginagawa sa akin yun! Hindi ko alam kung sa daan ko nakukuha o habang naka-park ako sa tapat ng bahay namin. Ayaw ko naman isipin na may nagtri-trip sa aking kapit-bahay. Hindi ko tinatapon ang mga pako para may ebidensiya ako. Ano ba ang gagawin ko Tito Alex?
Manolo ng Bacoor
Hi Manolo,
Ibenta mo yung mga pako, mahal ang kilo ngayon!
*
Hi Alex,
May girlfriend ako napakaselosa! Lahat pinagseselosan! Walang katiwa-tiwala sa akin. Eh hindi naman sa pagmamayabang, medyo may itsura talaga ako at matangkad kaya naman madami ang humahabol sa akin. Pero ang napansin ko lang, mula ng nagka-girlfriend ko, lalong marami ang naghahabol sa akin sa Facebook. Ang daming gustong mag-add sa akin at ang daming gustong mag-chat. Magaganda ang iba kaya medyo natutukso na akong sagutin. Ano ba ang dapat kong gawin?
Santino ng Paranaque
Hi Santino,
Wag mong papatulan! Sigurado ako, karamihan dyan eh galing sa girlfriend mong selosa! Check mo profile, karamihan dyan kakagawa lang at walang ibang friends. Mapapansin mo rin na konti lang ang pictures. Mag-ingat ka, isang pagsubok yan!
*
Hi Alex,
Bakit parang hindi ko ramdam ang Pasko ngayon Tito Alex? Kalagitnaan na ng December pero wala, hindi ko maramdaman! Nang mga nakaraang taon naman, kapag December na, kahit paano eh mararamdaman mo na ang Pasko. Ngayon, wala talaga! Ano ba ang nangyayari sa akin?
Gabbie ng Alabang
Hi Gabbie,
Dalawang bagay lang yan Gabbie, tumatanda ka na o wala kang pera kaya hindi mo ramdam ang Pasko!
*
Hi Alex,
Bakit ang keso de bola ginawa pang bola! Bakit walang square o kaya triangle? Bakit bola? Sino ang nakaisip nito?
Orly ng Malabon
Hi Orly,
Ang dami mong napapansin! Kainin mo na lang at wag mo na isipin kung bakit bola! Masyado kang matanong!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007