ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Ang hirap magka-anak ng millennial! Nahihirapan na ako intindihin! Masyadong sensitive, masyadong maraming alam at gusto mag-travel ng mag-travel! May anak ka bang millennial?
Chito ng Makati
Hi Chito,
OO, may anak din ako Chito at ramdam kita! Ang anak ko ay 22 years old, kaka-graduate lang ng Dela Salle! Susmaryosep, ang mahal ng tuition, eighty thousand pesos per sem! Eh tatlong sem sa isang taon, so ang total eh two hundred forty thousand per year! Alam mo ba ng grumaduate, ang unang sinabi sa akin eh gusto niya daw muna magpahinga ng isang taon bago mag-trabaho! Napagod daw siya! WOW diba! Napagod sa pag-papaaral ko! Nakakahiya naman diba! At gusto daw magbakasyon sa Japan! WOW ulit! Eh ako, natatandaan ko ng ako ang grumadute, kinukuha ko pa lang ang diploma ko sa stage eh sumisigaw na ang nanay ko ng ‘magtrabaho ka na!’! Ang hirap ng may millennial na anak!
*
Hi Alex,
Malapit na ang Pasko at may mga Christmas Party pa rin! Lahat ng puntahan mo may Christmas Party! Sumakit nga ang ngipin ko ng isang araw tapos nagpunta ako sa dentista, hindi available kasi may Christmas Party daw sila! Nainis ako kasi ang sakit na sobra ng ngipin ko! Gusto ko nga sana puntahan sa party para dun kausapin ang dentista ko eh! OK lang ba yun kung pinuntahan ko ang dentista ko sa Christmas Party niya?
Pamela ng Pasay City
Hi Pamela,
OK lang yun! Sana pinuntahan mo tapos sumali ka sa exchange gift nila. Kasi ang mga dentista kapag nag-eexchange gift, nagbubunutan! Sana pagbunot sa pangalan mo, pinabunot mo na rin ang ngipin mong masakit!
*
Hi Alex,
Gusto kong magsimbang gabi pero hirap akong gumising sa umaga. May gusto kasi akong matupad na wish eh! Pwede kayang kapag hindi ako nakapag-simbang gabi eh ipa-record ko ang misa sa friend ko tapos papanuorin ko na lang pagka-gising ko?
Norly ng Valenzuela
Hi Norly,
Pwede naman yun pero kapag namatay ka, sa impyerno pa rin ang punta mo. Pero wag kang mag-alala, ipaparecord namin ang buhay namin sa langit para mapanuod mo habang nasa impyerno ka!
Merry Christmas sa inyong lahat!!!
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.