ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Tito Alex,
Marami akong nakuhang pera ng nakaraang Pasko. Balak kong ibili ito ng mga sapatos. Mahilig ako sa sapatos. Mga nasa isang daang pares na ang sapatos na nabibili ko ngayong taon. Sabi ng nanay ko eh tigilan ko na raw ang kakabili ko ng sapatos dahil dalawa lang naman ang paa ko. Pero gusto ko talaga bumili nang bumili ng sapatos. Sabi ng nanay ko eh ipunin ko raw dahil hindi naman kami mayaman. Wala akong pakialam basta gusto ko bumili ng maraming sapatos. Kahit hindi ako kumain basta makabili ako ng bagong sapatos. Gusto ko na nga umalis dito sa bahay dahil lagi akong pinagsasabihan ng nanay ko. Naiinis na ako sa kanya! Tama ba na mainis ako sa nanay ko?
Marlon ng Cubao
Hi Marlon,
Kung ako ang nanay mo, sasapatusin kita!
*
Hi Alex,
Naiinis ako sa mga ninong at ninang na anak ko! Ang kukuripot! Nitong nakaraang Pasko, tig-iisang libo lang ang nakuhang pera ng anak ko. Kaya ko nga sila kinuha dahil mayayaman sila tapos ‘yun lang pala ang ibibigay nila! Ang kukuripot! Hindi na nga ako humingi sa kanila kapag birthday ng anak ko. Dapat may ambag sila sa party kahit cake o ice cream man lang! Gusto ko na nga isoli mga kandila sa kanila dahil wala naman pala akong mapapala sa kanila! Pamasahe pa lang papunta sa kanila, halos limang-daan na dahil nag-Grab kami balikan! Ano bang dapat kong gawin sa mga ninong at ninang ng anak ko?
Dalena ng Quiapo
Hi Dalena,
Isa ka pa! Dapat sapatusin din kita eh! Ang mga ninong at ninang ay pangalawang magulang at dapat gumabay sa anak mo! Hindi sila bangko na hihingan mo ng pera para sa anak mo! Mas makapal pa ang mukha mo sa suwelas ng sapatos!
*
Hi Alex,
Ang daming nag-regalo sa akin ng mug nung nakaraang Pasko, anong gagawin ko?
Esther ng Alabang
Hi Esther,
Itago mo at iregalo mo sa kanila sa susunod na Pasko!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007