ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
***
Hi Tito Alex,
Bagong taon na at bagong dekada. Panibagong pakikipagsapalaran, panibagong mga pagsubok at panibagong kabiguan at tagumpay. Kaya nga laging may resolution ang mga tao dahil ang tingin nila sa bagong taon ay panibagong simula. Gusto ko simulan ang taon ko ng tama. Ano ba maipapapayo mo Tito Alex?
Dorothy ng Pasay
Hi Dorothy,
Gusto mong simulan ang taon mo ng tama, siguraduhin mo na ang petsang isusulat mo ay 2020 hindi 2019! Dyan ka muna magsimula, wag mo muna problemahin ang iba!
***
Hi Tito Alex,
Ngayon talaga ang celebration ng three kings at nabasa ko na ang tatlong hari ay natagalan bago nakarating sa lugar kung saan pinanganak si Jesus. Mahaba daw ang nilakbay nila at sinundan lang nila ang tala kaya sila nakarating. Bakit ba nahirapang makarating ang tatlong hari sa sabsaban ni Jesus?
Paul ng Makati
Hi Paul,
Wala pa kasing Waze nun kaya naligaw ang tatlong hari! Tapos tatlo pa sila kaya lahat nagmamarunong! Lahat gusto sila ang masusunod, ayun, kaya nagpakita na lang ng tala. Tapos ng nakita ng tatlong hari ang tala, lalo silang natagalan kasi sumayaw pa sila ng dance step ni Sarah Geronimo na Tala! Lalong kagulo!
***
Hi Tito Alex,
Maganda raw magnegosyo ngayong taon dahil swerte raw. Naisip ko tuloy subukan magnegosyo para swertehin din. Kaya lang hindi ko alam kung anong magandang negosyo. Kainan ba, damit o parlor? Wala din akong masyadong puhunan kaya nakakatakot din magsimula ng negosyo. Ano ba ang kailangan ko para makapagsimula ng negosyo?
Patsy ng Cavite
Hi Patsy,
Maraming pera ang kailangan mo para sa negosyo! Maraming maraming pera. Kapag nagkaroon ka na ng maraming pera, wag ka na magnegosyo, marami ka ng pera eh!
***
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.