ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
**
Hi Alex,
Malungkot ako ngayong bagong taon kasi sa magbabarkada, ako na lang ang mataba! Lahat ng barkada ko payat at sexy, ako lang ang chubby! OK, hindi chubby, mataba talaga! Kapag kasama ko sila, angat na angat ako, dahil ako nga ang pinakamalaki! Kapag sa restaurant, ala-carte ang binibigay sa kanila, sa akin buffet! Kapag sasakay kami sa jeep, sila kasya pa, kapag ako, masikip na! Kapag handaan, naniniwala sila na busog na ang mga barkada ko, ako, natatawa sila kapag sinabi kong hindi ako gutom! Gusto kong pumayat tulad ng mga kaibigan ko! Gusto ko ako pinaka-payat sa aming magkakaibigan! Ano ba gagawin ko para magkatotoo yun?
Melody ng Cavite
Hi Melody,
Kung ikaw ang pinakamataba sa inyong magkakaibigan at gusto mong ikaw ang maging pinaka-payat, ganito gawin mo, humanap ka ng mga bagong kaibigan, yung mas mataba pa sa’yo! Ikaw na ngayon ang pinaka-payat! Happy New Year!
**
Hi Alex,
Magpapakasal na kami nang girlfriend ko at nag-iipon na ako para sa kasal namin. May date na rin at venue kaya talagang tuloy na tuloy na! Balita ko naghohost ka daw sa mga kasal Tito Alex. Pwede ba kitang imbatahin kung kaya ng budget ko. Alam ko na medyo mahal ka pero pag-iipunan ko naman para masaya ang kasal namin. Alam ko na marami ka ng kasal na ikaw ang naghost at nabasa ko ang mga comments. Sana makuha ka namin at sana kaya ng budget! Pwede ka ba Tito Alex?
Ernesto ng Pasay
Hi Ernesto,
Totoo ang nabalitaan mo, naghohost talaga ako ng kasal. Medyo reasonable naman ang bayad sa akin. Pero kung may problema ka na sa budget sa akin, medyo ihanda mo ang sarili mo dahil marami ka pang gagastusin sa kasal mo. Mga damit ng abay mo, kapag sagot nila, swerte ka, kapag sagot mo, goodluck! Gastos sa venue at buffet, gastos sa organizer at videographer. Sa cake pa lang, iiyak ka na! Ang mahal ng cake, ilang layers pero ang makakain mo eh yung isang layer lang naman! Basta goodluck sa’yo at mag-ipon ka na ng maraming-maraming pera!
**
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.