ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
***
Hi Alex,
Nakakatakot ang nangyari sa Taal Volcano. Bigla na lang sumabog. Umabot sa amin ang ash fall. Dumilim ang langit kahit nasa Taguig kami. Yung bubong namin at kotse puro alikabok. May mga hika ang anak ko kaya naghanap ako ng mascara. Wala kaming naka-ready na face mask. Bumili kami pero out-of-stock. May iba naman, ang mahal ng presyo! Nakakainis dahil halos higit pa sa triple ang presyo. Nakakadismaya talaga. Madami kaming mga nababasa about sa pagsabog ng bulkang Taal sa Facebook pero hindi na namin alam ang totoo. May mga pwede ka bang i-share sa aming information Tito Alex?
Dave ng Taguig
Hi Dave,
Mahirap magbiro sa nangyari sa Taal kasi isang seryosong sakuna yan. Pero ang masasabi ko lang eh sana makunsensiya ang mga nagtaas ng presyo ng mga N95 mask. Alam niyo na na kailangang kailangan ng mga tao, pinagkakitaan niyo pa! Sa mga information naman, ito lang ang maibabahagi ko. Dahil sa pagsabog, nalaman ko na ang mali pala ang bulkan na tinitignan natin, ibang bulkan pala ang Taal na sumabog, iba palang bulkan yung isang nasa kanan! Susmaryosep, ang tagal ko na palang mali ang kinukuhanang picture! Para naman sa mga abo, masakit na bagong linis ang kotse mo tapos biglang nabagsakan ng abo. Madami din ang biglang dumumi ang ilong. Sa ibang information, wala na akong alam. Prayers na lang para sa mga taong nabiktima ng pagsabog ng bulkang Taal.
***
Hi Alex,
Dahil sa pagsabog ng bulkang Taal, umabot sa amin sa Paranaque ang ash fall. Dahil dito, hindi ko alam kung pwede kong gamitin ang aircon namin. May balita kasi na masamang buksan ang aircon. Eh medyo mainit at hindi kami makatulog. Nakakainis yang abo na dinala ng pagsabog ng bulkan na yan. Ang hirap matulog ng walang aircon. Ang laki pa naman ng bahay namin, hindi ako sanay sa electric fan. Kailan ba pwedeng gamitin ang aircon?
Joseph ng Paranaque
Hi Joseph,
Nakakaawa ka naman dahil hindi ka makatulog dahil walang aircon. Naaawa rin ako sa’yo kasi sobrang hirap ang dinadanas mo ngayon at napakabigat ng problema mo. Hayaan mo at magpapadala kami ng mga relief goods sa bahay niya. Uunahin namin ang problema mo kesa dun sa mga nakatira malapit sa bulkan. Kailan pwedeng gamitin ang aircon? Kapag may kunsensiya ka na!
***
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.