ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Nakakalungkot at naghiwalay na si Nadine at James o mas kilala bilang Jadine. Ang sama talaga ng 2020! OK lang na magka-gyera, ok lang na sumabog ang taal, wag lang silang maghiwalay! Napakalungkot ko! Ano kaya ang dahilan ng paghihiwalay nila Tito Alex?
Menchu ng San Mateo
Hi Menchu,
Kung ano man ang dahilan ng paghihiwalay nila, wala na akong pakialam! At malamang, wala ka na rin pakialam dun! Tutal wala ka rin naman pakialam sa pagsabog ng Taal at posibleng gyera sa mundo, wala na rin ako pakialam sa’yo!
* * *
Hi Alex,
Bago ang kotse ko at isa sa mga safety features nito ay nag-aaalarm siya kapag hindi ka naka-seat belt. Nakakairita ang alarm. Hindi pala pwede na patanggal yun. Eh minsan ayaw ko mag-seat belt eh. Pero hindi ko matiis ang ingay ng alarm. Meron ka bang alam na paraan para hindi mag-ingay ang alarm kapag hindi ako naka-seatbelt Tito Alex?
Charlie ng Makati
Hi Charlie,
Minsan talaga may mga taong karapat-dapat lang na maaksidente! Isa ka na dun! Kaya nga tinawag yan na safety feature kasi inaalagaan niya ang buhay mo! At kaya siya nag-aalarm kasi pinapaalala sa’yo na hindi ka naka-seatbelt! Hayaan mo, kapag naaksidente ka at nawarak ang kotse mo, titigil na siya sa pag-alarm dahil basag na ang bungo mo!
* * *
Hi Alex,
Madalas akong makakita ng motor na maraming sakay. Buong pamilya ang nakasakay pero ang tatay lang ang naka-helmet. Nagtataka ako at hindi sila nahuhuli. Delikado ito kahit na mabagal lang ang takbo at kahit sa maliliit na daan lang dumadaan. Bakit kaya si tatay lang ang naka-helmet at si nanay at ang mga anak hindi?
Wally ng Greenhills
Hi Wally,
Ganyan talaga dito sa ating bansa, walang pakialam sa safety, laging dahilan eh malapit lang naman. Kapag sinita mo bakit iisa lang ang helmet, sasabihin eh dahil mahirap lang sila. Hindi ko nga rin alam kung bakit si tatay lang ang naka-helmet. Baka naman bago sila umalis eh nagpa-raffle sila o kayo nag-bato-bato-pik. Kung sino ang nanalo, siya ang nagsusuot ng helmet. Yung walang helmet, sorry na lang, better luck next time.
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.