BY RUEL MENDOZA
*
NAGDADALAMHATI ang Philippine fashion industry sa pagpanaw ng veteran designer na si Ito Curata dahil sa sakit na pneumonia na dulot diumano ng COVID-19.
Ayon sa report, one week nakaconfine ang 60-year old Pinoy designer sa ICU ng Asian Hospital and Medical Center bago ito binawian ng buhay noong nakaraang Huwebes, March 26.
Naiwan ni Ito at ang kanyang partner na si Bob Miller na may pneumonia din at kasalukuyang nasa ICU.
Maraming kasamahan sa fashion industry ang nakiramay sa pamilya ni Ito, lalo na sa naiwan nitong anak na si Taj. Nagpadala ng kanilang condolences sina Michael Cinco, Albert Andrada, Phillip Rodriguez, Joey Galon at Jonas Gaffud.
Ilan lang sa mga local celebrities na nagsuot ng creations ni Ito Curata ay sina KC Concepcion, Bea Alonzo, Frencheska Farr, Audrey Zubiri at si former president Gloria Macapagal-Arroyo.
Si Ito rin ang gumawa ng gown noon ni Ina Revilla nang magdebut ito.
Ang Hollywood actress na si Sharon Stone ay nadamitan din ni Ito.