ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Hindi kami nakakalabas ng bahay kaya wala ring trabaho ang mister ko mula nang nagsimula ang lockdown. Sa simula ay maayos pa dahil may pagkain pa kami sa bahay. Makalipas ang isang linggo medyo nahihirapan na kami.
Kaya naman tuwang-tuwa kami nang malaman namin na magbibigay ng relief goods dito sa barangay namin. Pero dismayado kami kasi napaaway kami sa kapit-bahay namin dahil nagreklamo siya dahil iba raw ang natanggap namin na relief good kesa sa kanila.
Bakit daw pork sa kanila at sa amin beef. Mas mahal daw ang beef kesa pork kaya magpalit daw kami. Hindi ako pumayag kasi mas gusto namin ang beef kesa pork. Ayun, nagpakulo kagad ang mister ko ng tubig para makain na namin ang noodles na may beef flavor.
Galit na galit ang kapit-bahay namin dahil ang noodles nila pork flavor. Tama ba ang ginawa namin na hindi kami pumayag makipagpalit?
Donabel ng Cainta
Hi Donabel,
Ewan ko sa inyo! Akala ko naman kung makapagkuwento ka eh karneng baka at baboy ang pinagtatalunan niyo! Flavor lang pala ng instant noodles yan! Sa susunod na relief goods, kayo naman ang mag-pork flavor para maiba!
*
Hi Alex,
May lumabas na statistics na konti lang ang mga may COVID-19 sa Tondo kumpara sa ibang lugar. Sa Greenhills naman eh madami daw ang kaso ng COVID-19. Nagtataka lang ako dahil alam naman natin na maraming mahirap sa Tondo at maraming mayaman sa Greenhills pero ang Greenhills pa ang mas apektado. Ano ba ang masasabi niyo dito?
Marcus ng Pasay
Hi Marcus,
Ganito kasi ‘yan. Ang COVID-19 ay international na virus.
Kaya nga pandemic kasi umabot na ito sa iba’t-ibang parte ng mundo kaya medyo sosyal ang virus na ito.
Madaming sosyal sa Greenhills kaya nag-fit in ang virus dito dahil gusto niya ang sosyal na lugar. Sa Tondo naman, nahirapan ang COVID-19 kasi ang daming virus dun laking Tondo.
Pumunta dun ang COVID-19 pero nagulpi siya ng mga sigang virus. Naholdap pa siya kaya paglabas niya, ‘yung 19 niya naging 12 na lang. Lumabas siyang COVID-12.
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.