ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
Hi Alex,
Ngayong quarantine, dahil walang magawa, ay nanunuod kami madalas ng TV. Sa Netflix kami nagbababad. Ang nakakainis, ang misis ko, puro Korean drama ang pinapanuod o K-drama! Nakakainis na talaga sobra. Okay lang sana kung paminsan-minsan! Pero kung manuod, halos tapusin sa isang upuan ang isang season! Lahat na halos ng K-drama sa Netflix, pinapanuod. Pero ang napapansin ko, lahat ng pinapanuod niya, ‘yung bida si Hyun Bin. Siya si Captain Ri sa “Crash Landing On You”! Nagseselos na ako! Ginagawa pang profile pic, cover pic, at cellphone wallpaper ang mukha ni Hyun Bin na ‘yun! Ang problema ko eh pinipilit niya akong manuod ng palabas na “Crash Landing on You.” Eh ayaw ko kasi ang bida nga eh si Hyun Bin eh naiinis na ako dun! Ano ba ang gagawin ko para maputol ang panunuod ng misis ko sa buwisit na Hyun Bin na ‘yan?
Crispin ng Sucat
Hi Crispin,
Bakit mo pipigilan ang misis mong manuod ng K-drama eh maganda naman talaga silang panuorin! Saka guwapo naman talaga si Hyun Bin at mukhang mabango pa! Panuorin mo ang “Crash Landing On You”! Ang ganda, I swear!
*
Hi Alex,
Extended ang quarantine hanggang sa katapusan ng buwan. Nakakainip na dito sa loob ng bahay. Lahat na ng sulok nalinis ko. Lahat na nalaro ko. Lahat ng palabas napanuod ko na! Natanim ko na lahat ng natanim. Nahukay ko ang lahat ng dapat hukayin. Nagawa ko na lahat ng sira. Naayos ko na ang dapat ayusin. Naluto ko na ang lahat ng dapat lutuin. Nakain ko na ang lahat ng dapat kainin! Masisira na ang ulo dahil wala na akong maisip na gawin! Ano bang dapat kong gawin Tito Alex?
Roger ng Calamba
Hi Roger,
Gusto mo may gawin? Sirain mo ang bahay mo. Tapos ayusin mo ulit! Masyado kang reklamador! Pasalamat ka nga at buhay ka! Kung inip ka talaga, paghiwalayin mo ang sangkap ng 3-in-1 coffee! Ihiwalay mo ang asukal, kape, at gatas! Pagkatapos mo paghiwalayin, pagsamahin mo ulit! Ulitin mo lang nang ulitin hanggang sa mapagod ka!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.