ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Dahil sa lockdown ay hindi kami makalabas ng bahay kaya mahaba na ang buhok ko at kuko. OK lang sa kuko dahil madaling gupitan. Ang mahirap eh ang buhok. At napansin ko Facebook na nauuso ngayon na ang mga mag-asawa ang nagugupitan sa isa’t-isa. ‘Yung mister ang gumugupit sa misis niya o kaya ang misis ang nagugupit sa mister niya. May asawa rin ako at balak kong i-suggest na siya ang magupit sa buhok ko. Ano sa tingin mo Tito Alex?
Mario ng Cainta
Hi Mario,
Maganda lang tignan sa Facebook habang nagugupitan sila. Nakita ko nga sa Facebook na pati si Angel Locsin eh siya mismo ang gumugupit ng buhok ni Neil Arce. Ang cute tignan pero wag mong gayahin. Ang nakikita mong post eh ‘yung kasalukuyang nagugupitan sila kaya masaya pa. Pero napansin mo na walang masyadong nagpopost ng Facebook nila ng naging resulta ng gupitan nila. Saka hindi naman nila i-popost na minumura sila ng asawa nila dahil hindi nagustuhan ang gupit, nasugatan, o kaya napoknatan! ‘Wag kang magpapaniwala sa nauuso sa Facebook. Ako nga gustong gupitan misis ko pero nababasa ko sa mukha niya na gusto niya lang ako pagtripan! Baka dyan sa gupitan siya makakuha ng pagkakataon na gantihan ka sa lahat ng pagkakasala mo!
*
Hi Alex,
Sawang-sawa na ako sa sardinas! Mula ng nagsimula ang lockdown, puro sardinas na ang kinakain ko! Ginisang sardinas, sinabawang sardinas, tortang sardinas, at piniritong sardinas. Puro na lang sardinas! Baka magkaroon na ako palikpik at hasang at matuto akong huminga sa ilalim ng tubig! Ano bang gagawin ko Tito Alex, sawang-sawa na ako sa sardinas!
Clarence ng Pasay
Hi Clarence,
‘Wag ka na mag-reklamo! Buti nga ikaw, may kinakain ka kumpara sa mga ibang tao na wala ng makain! Masarap naman ang sardinas, konting tiis na lang! Kapag hindi na-extend ang lockdown, kulang-kulang dalawang linggo ka na lang magtitiis. Sampung araw na lang to be exact. Tatlong beses ka kakain ng sardinas sa isang araw, tapos multiply mo sa sampung araw. Tatlumpong beses ka na lang kakain. Konting tiis na lang, natiis mo nga ng mahigit isang buwan, sampung araw pa. Subukan mo ‘yung pasta de sardinas, inihaw na sardinas, at sisig na sardinas! Konting tiis na lang!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.