BY REGGEE BONOAN
*
UNANG araw pa lang ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay katuwang na ni Barangay Kapitana Angelika dela Cruz ang kapatid niyang si Mika dela Cruz sa paghahatid ng relief goods sa mga nasasakupan niya sa Barangay Longos, Malabon.
Kilala namin si Shine (tawag namin kay Angelika) na matulungin sa mga ka-barangay dahil ito ang nakagisnan niya.
Bata palang siya ay marami ng tao lagi sa bahay nila dahil ang kanyang daddy Ernie ang takbuhan ng lahat.
Kaya nga bago pa man pinasok ni Kapitana Angelika ang showbiz ay malapit na siya sa tao. Pero dahil tisay, inakalang supladita siya.
Anyway, aktibo sa kanyang Instagram account si Shine. Lahat ng nagaganap sa barangay niya ay pinopost niya pati ang pag disinfect sa buong Longos, pagre-repack at pamimigay ng pagkain.
Pino-post din niya ang mga curfew violators at mga hindi nakasuot ng facemask.
Pinakiusapan ni Angelika ang mga nahuli na makisama at sumunod para sa ikabubuti ng lahat.
Tawang-tawa kami sa pinost niya ukol sa tumatakas sa curfew na nagtalukbong ng garbage plastic at tumabi sa mga basurahan para hindi halata.
Ang caption ni Angelika, “Ganito raw magtago ang curfew violators sa mga tanod at pulis, ingat lang din baka mahakot kayo ng garbage truck.”
Samantala, may sumulat naman kay Angelika ukol sa nakitang ‘tiktik’ sa isang bahay sa area nila.
Aniya, “Pag Kapitana ka lahat ng uri ng tao makaka-salamuha mo at lahat ng reklamo maririnig mo pero ‘yung ganito matatawa ka nalang hehe ang sagot ko nalang sa kanya, ‘kuya ghostbusters po ang kailangan sa ganyan.’”