ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Dahil maraming mga walang trabaho, dumami rin ang mga taong naghihirap ngayon dahil walang sweldo. Marami po ang lumalapit sa akin ngayon para humingi ng tulong. Mga namamalimos sa daan at nanghihingi ng pagkain. ‘Yung iba binibigyan ko kasi mukhang totoong walang kakayahang magtrabaho, ‘yung iba naman, pagkain ang binibigay ko. Pero karamihan, nagrereklamo dahil pera ang gusto. Nakakainis dahil choosy pa. Pati sa Facebook daming sumusulat at nanghihingi ng tulong. Ano bang gagawin ko?
Larry ng Cubao
Hi Larry,
Walang problema sa pagtulong lalo na sa panahon ng quarantine. Ang problema, marami ang nananamantala! Kahit sa panahon ngayon marami pa rin ang nakakaisip na gumawa ng masama. Mabuti sana kung talagang nangangailangan, ang iba ginagawang hanap-buhay! Kaya tuloy pati yung mga talagang kailangan ng tulong, nadadamay!
Isipin mo nabiktima ako niyan! Nagmessage sa akin isang nanay, kailangan daw ng gatas at Pampers (‘di ba sosyal pa) ng anak niya! Tutulungan ko sana pero limang Facebook message ang natanggap ko, lahat sila humihingi ng Pampers at panggatas ng anak nila.
Pero ang napansin ko, iisa ang bata! Iisang bata ang nasa picture! Isang bata, lima ang nanay, ang laking misteryo! At ito pinakamatindi, may humabol pang isa na gatas at Pampers din ang hinihingi dahil bagong panganak daw siya! Nakita ko ang picture, lalake! Nanganak lalake, milagro! Kaya ingat tayong lahat sa manloloko!
*
Hi Alex,
Madalas kaming umorder ng pagkain at magpadeliver sa bahay. Maayos naman ang pagdeliver at nakakarating naman kagad sa amin. Ang problema eh walang panukli kadalasan ang driver. Kaya minsan eh binibigay na namin ang bente pesos na sobra. Nakakainis naman kasi sayang ang ₱20 na sukli. Sino ba ang makakausap para ireklamo ang mga delivery ng pagkain para may panukli sila?
Marcy ng Pateros
Hi Marcy,
Hanep, ₱20 lang eh nireklamo mo pa. Bakit hindi mo na lang i-tip ‘yun! Kung mahigit ₱100 sana eh baka maintindihan pa kita. Bente pesos sa hirap ng biyahe niya at kahit natatakot mahawa eh nagdeliver sa ’yo ng pagkain! At sabi mo maayos naman at on time naman nadeliver. Bigay mo na. Maliit pa nga na tip ang ₱20! Sige magreklamo ka. Baka hindi lang COVID-19 ang makuha mo sa pagkain mo, baka may dura pa! Makisama tayo sa mga naghahanda ng pagkain natin. Abonohan ko na lang ‘yung ₱20!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/ twitter/instagram: alexcalleja1007.