HIGIT na tumindi ang pananalig ni Christopher de Leon sa Diyos nang tamaan siya ng COVID-19.
Sa interview kay Boyet nina Arnold Clavio at Ali Sotto sa DZBB, pinagdiinan nito na ang pinanghahawakan niyang pananalig ang nagligtas sa kanya sa mapamuksang virus.
Para kay Boyet, eye-opener ang pagsulpot ng COVID-19 hindi lang para sa kanya kung hindi para sa buong sangkatauhan.
Aniya, “Ang kondisyon natin bago nangyari ito, ang state of mind ng lahat ng tao at saka ng buong mundo, we are all in a hurry. We are all thinking of ourselves. We are not retaking and communicating with God properly.”
Aminado si Boyet na siya man ay nagkaroon ng pagkukulang bilang Kristiyano.
“Totoo ito. Ako mimso nakita ko ‘yan sa sarili ko. Ako, magdarasal ako. Prayerful ako sasabihin ko pero hindi taus-puso. Hindi malalim ang dasal ko. I don’t pray with a heart.”
Malaki ang naging epekto sa pananampalataya niya sa pinagdaanan laban COVID-19.
“Naku! Grabe. Pati ‘yung luhod kasama,” ani Boyet sa paraan ng pagdarasal niya ngayon.
Pinasalamatan niya ang mga doctors at staff sa ospital pati na ang mga tao sa bahay, ang asawa niyang si Sandy Andolong at iba pa na walang takot na nag-alaga sa kanya kahit may virus siya.
Ibinalita rin ni Yetbo na nag-donate na siya ng kanyang plasma para makatulong sa ibang may COVID-19.