ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Nagkabigayan na sa barangay namin ng ayudang pera at relief goods. Pagpunta namin sa barangay, may kumuha daw sa pera at relief goods namin! Ayaw maniwala ang mga taga-barangay na hindi pa namin nakukuha ang pera at relief goods namin! Ano kaya ang puwede naming gawin?
Marcy ng Navotas
Hi Marcy,
Malabo mo nang makuha ‘yan at hindi na matre-trace kung saan napunta ‘yang pera at relief goods niyo.
Ang gawin mo, itimbre mo sa barangay na kapag may kumuha ng pera at relief goods ninyo sa susunod, sabihan kagad kayo para mahuli!
Nabiktima rin kami niyan pero ibang paraan naman! Nagpunta kami sa barangay para kunin ang pera at relief goods namin. Pagdating namin sa barangay, pinatignan sa listahan kung nandun ang pangalan namin.
Nandun naman lahat ng pangalan namin pati ng lolo at lola ko. Ang matindi, may kumuha na sa pera at relief goods na para sa lola at lolo namin. Pero ang mas matindi, patay na ang lolo at lola namin! Buti pa ang mga patay, unang nakakuha ng ayuda! May quarantine din pala sa sementeryo!
* * *
Hi Alex,
Ang daming nagpapalipad sa amin ng saranggola. Hindi ko alam bakit biglang nauso. Siguro hindi makalabas ang mga tao kaya nag-saranggola na lang para at least ‘yung saranggola, nakakalabas at nakakalipad.
Pero ang problema, ito ngayon ang nagiging dahilan kung bakit nagkaka-brownout sa amin dito sa Taguig. Kasi kapag bumagsak ang saranggola, sumasabit sa poste at sa linya ng kuryente, ayun, nagsho-short! Nangyari ‘yan dito ngayon lang sa amin!
May bumagsak na saranggola, ayun sumabit sa linya ng poste. Walang ilaw sa amin! Limang-oras nang walang ilaw. Sino ba ang dapat naming lapitan para ipagbawal at ipahuli ang mga nagsasaranggola?
Ferdinand ng Taguig
Hi Ferdinand,
Bago ko sagutin ‘yan eh may tanong muna ako. ‘Yung bumagsak ba na saranggola sa inyo ay gawa sa plastic, kulay itim, at parang Batman? Kasi kapag ‘yan ang bumagsak na saranggola sa inyo, puwedeng pakitabi. Saranggola ko kasi ‘yan! Puntahan ko dyan ngayon din!
Wait lang!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.