BY REGGEE BONOAN
*
HINDI na nga nakapagpigil si Cardo Dalisay, este, si Coco Martin kina Solicitor General Joe Calida at sa mga bumubuo ng National Telecommunications Commission. Inilabas niya ang hinaing sa mga ito sa Facebook, Martes ng gabi makaraan na isapubliko ang pagsasara nang tuluyan ng kanyang home network, ang ABS-CBN.
Ani Coco, “Nakakapagod nang manahimik at magpigil kung ang mga nasa paligid mo naman ay mga walang-pusong tao.
“Anong klaseng mga tao ang gumawa nito? Alam ninyo na ang ibig sabihin ng pagkasara ng ABSCBN ay kawalan ng trabaho ng ilang libong empleyado kasama ang mga pamilya nito. Ilang libong pamilya ang magugutom sa kabila nang lahat ng nangyayari sa mundo ngayon. Talaga bang nagawa niyong unahin ang pagpapasara ng isang istasyon na bumubuhay sa napakaraming Pilipino?
Dagdag himutok ng action star, “Hindi ko alam kung anong klaseng mga tao kayo at kung anong klaseng konsensiya ang mayroon kayo para maisip niyong ipasara ang ABS-CBN sa gitna ng daan at libong mga taong nagkakasakit at namamatay dahil sa epidemyang ito. Hindi kayo ang mga taong dapat kinakausap ng maayos, ang dapat sa inyo tapatan ng kabastusan at kawalanghiyaan tulad ng inaasal ninyo!
“Wala man akong gaanong kaalaman sa batas at maaring mas marunong kayo sa akin, pero sana naisip niyo man lang ang sitwasyon ng ating bansa!”
Pangungutya pa niya, “Sana sa wakas ay makatulog kayo ng mahimbing at maipagmalaki niyo ang nagawa ninyo! Sana ipagkapuri kayo ng pamilya ninyo sa tagumpay ninyong gutumin at yurakan ang mga buhay ng ilang libong pamilya!”
Bandang huli, pinangalanan niya na ang pinatatamaan: “Maraming-maraming salamat Solicitor General Joe Calida at sa bumubuo ng National Telecommunications Commission sa kontribusyon niyo sa ating bayan! TINATARANTADO NINYO ANG MGA PILIPINO!”