ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Napanuod ko sa TV at nakita ko sa news na pati pala mga pusa eh puwedeng mahawaan ng COVID-19. Madami kaming pusa at natatakot ako na baka meron silang COVID-19. Alam mo naman na mahirap magkasakit. Paano ko kaya malalaman kung may COVID-19 ang pusa ko?
Cleo ng Makati
Hi Cleo,
Malalaman mo kung may COVID-19 ang pusa mo kung madalas mo siyang marinig na umuubo. Tignan mo ang pusa mo kung sino ang umuubo. Malalaman mo rin kung may COVID-19 ang pusa mo kung iniiwasan siya ng ibang pusa. Kapag lumalapit siya sa ibang pusa eh lumalayo ang mga ito at nagtatakip ng bibig at ilong. Kapag nakita mo itong nangyayari eh lagyan mo agad ng mga mask ang pusa mo. Turuan mo rin sila ng social distancing. Pero kung natatakot ka na mahawa ang ibang pusa mo, iligaw mo ang pusa na may COVID-19. Pero siguraduhin mo na maliligaw mo na maayos dahil baka mauna pang makauwi sayo ang pusa mo bago ikaw!
*
Hi Alex,
Sa May 15 eh baka matapos na ang lockdown at maging GCQ na tayo mula sa ECQ. Magandang balita pero nakakatakot pa rin dahil hindi ko alam kung tama bang desisyon ito na puwede na tayong lumabas ulit. Nakakatakot dahil sa ibang bansa, matindi ang second wave ng virus. Panahon na ba para tapusin ang lockdown o dapat extend pa?
Mardie ng Paranaque
Hi Mardie,
Madami nga ang natatakot sa pagtatapos ng lockdown sa May 15 kasi nakita nila sa ibang bansa na matindi ang second wave ng COVID-19. Pero ‘wag kang mag-alala sa Pilipinas dahil hindi natin mararanasan ang second wave! Alam mo kung bakit? Dahil hindi pa nga tayo nakakatapos sa first wave! Ewan ko pero ako ay may sariling desisyon. Kahit tapos na ang lockdown, hindi muna ako lalabas. Dito muna ako sa loob ng bahay. Tutal marami ng tao ang lalabas, mag-uutos na lang ako sa mga papabayaran ko at mga bibilhin! Pipiliin ko paring mag-rest at home kesa naman rest in peace!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.