SA biglang pag-sign off ng ABS-CBN nitong Martes, agad nagsalita ang dalawa sa pinakamalaking aktor ng istasyon – sina Piolo Pascual at Coco Martin.
Malumanay ang post ni Piolo, pero si Coco ay aminadong sobrang nagalit at naapektuhan sa mga pangyayaring ikinagulat ng buong bansa.
Ani Piolo, naniniwala siyang may magandang kahihinatnan ang pangyayari gaano man ito kasakit at kalungkot.
“I have nothing but prayers for a positive outcome for this hurdle… and as always we’ll get through this together… let’s continue praying for each other and for ABS to return to broadcasting asap… maraming salamat Kapamilya,” sambit ng 43-year old actor.
Si Coco, obvious na galit na galit.
“Anong klaseng mga tao ang gumawa nito? Alam ninyo na ang ibig sabihin ng pagkasara ng ABS-CBN ay kawalan ng trabaho ng ilang libong empleyado kasama ang mga pamilya nito…
“Wala man akong gaanong kaalaman sa batas at maaaring mas marunong kayo sa akin, pero sana, naisip niyo man lang ang sitwasyon ng ating bansa!
“Sana sa wakas ay makatulog kayo nang mahimbing at maipagmalaki nyo ang nagawa ninyo!”
Sumawsaw din sa isyu ang mga bigating pangalan sa industriya tulad nina Direk Joel Lamangan at Ricky Lee.
Sey ni Ricky, “Ang sagot sa panunupil sa malayang pamamahayag ay ang lalong iparinig nang buong lakas ang ating mga boses. Hindi option ang pananahimik.”
Si Joel naman sabi, “Ang pananahimik ay ang pagsangayon sa pagpatay sa kalayaang ibinigay sa atin ng Saligang Batas! Magsalita! Tumutol! Isigaw ang ating pagtutol sa pagyurak sa ating karapatang magpahayag!”