BINABASH ang Kapamilya stars na nagpahayag ng kanilang mga saloobin kaugnay ng pagpapasara ng ABS-CBN. Isa na rito si Angelica Panganiban na nagsalita sa Laban Kapamilya Live Facebook event.
Aniya, tinanggalan ang Kapamilya viewers ng kalayaang mamili ng panonoorin. Labag daw ito sa demokrasya.
Aniya pa, hindi ang ABS-CBN ang kalaban kundi ang virus. Mas marami raw isyu ang dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno kaugnay ng COVID-19 pandemic.
Tinanong naman si Angelica ng isang netizen sa Twitter kung nagising na raw ba siya sa pagka-hypnotize?
Duterte supporter si Angelica at ibinoto niya si President Duterte noong 2016 presidential elections.
“Yes. Nakakalungkot. Pero oo. Patawarin niyo ako. Sorry, natagalan,” ang sagot ni Angelica.
DESIDIDO NA
Desidido si Max Collins na manganak sa bahay nila ng asawang si Pancho Magno. She is due to give birth in July. Afraid siyang manganak sa hospital sa pangambang hatid ng COVID-19.
Bilang paghahanda sa kanyang panganganak, nanonood si Max ng online home birthing. Nag-e-exercise rin siya.
Isang registered nurse si Pancho kaya puwede siyang mag-assist sa midwife o doctor na magpapaanak kay Max.
May doula (birthing partner o assistant sa panganganak) rin na andoon sa panganganak ni Max sa magiging baby boy nila ni Pancho.
MISS NA
Nami-miss na ni Alden Richards magtrabaho. Since pinairal ang Enhanced Community Quarantine ay hindi pa siya nakakalabas ng bahay. Sobrang inip na siya. Understandable dahil nga dati kasi’y super busy ang schedule niya.
Kahit tigil muna ang taping ng “Centerstage” na si Alden ang host, patuloy pa rin ang online auditions ng mga aspiring singers.