BY REGGEE BONOAN
*
NAGHAIN ng House Bill si House Speaker Allan Peter Cayetano sa Kongreso nitong Miyerkules para sa isang provisional franchise na magbibigay daan upang muling makapagoperate ang ABS-CBN hanggang Oktubre 2020. Ipinagpasalamat ito ng Kapamilya network sa isang statement.
“Nagpapasalamat kami sa liderato ng Kongreso at sa mga sponsor ng bill, sa pangunguna nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Majority Leader Martin Romualdez, sa kanilang pagkilala sa aming pagtugon sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan pagdating sa balita, impormasyon, entertainment, at serbisyong publiko sa kritikal na panahon ngayon.
“Handa kaming sumailalim sa proseso ng franchise renewal at sagutin ang mga isyung nabanggit laban sa network, sa mga may-ari, sa management, at mga empleyado.
“Nananatili kaming bukas sa mga opinyon at suhestyon na nakakatulong para mas mapabuti pa ang aming organisasyon at paglilingkod sa sambayanang Pilipino.
“Lubos kaming nagpapasalamat sa lahat ng tao at grupong nagpahayag ng kanilang pagmamahal at suporta. Kayo po ang aming inspirasyon. Maraming salamat.”
Ang ilang artista ng network ay nagpasalamat din.
Ayon kay Sylvia Sanchez na nag-post ng screenshot ni Cayetano, “Hindi ako nawawalan ng pag asa, araw araw akong umaasa at nagdadasal na mabubuksan muli ang aking pangalawang tahanan. Walang imposible sa DIYOS. Walang hanggang pasasalamat sayo, Panginoong JESUS. Yahooooooo.”
Sabi naman ni Angel Locsin, “Thank you Cong. Alan Cayetano and congress for giving us a fair chance in court without shutting us down. Praying that the outcome will favor the Filipino people and enabling us to help during this crisis.”
Say ni Kim Atienza, “Maraming-maraming salamat @alanpcayetano God bless you brother.”
Dagdag ni Vice Ganda, “Maraming Salamat sa Kongreso! Malaking bagay po ito. Maraming salamat ulit!”