PINASOK na rin ni Nora Aunor ang online acting sa ginawang monovlog bilang handog niya sa fans at supporters sa 67th birthday niya last May 21.
Ipinamalas muli ni Ate Guy ang husay sa pag-arte sa proyektong pinamagatang “Lola Doc.”
Tungkol ito sa isang lolang frontliner na kinakausap ang mga mahal sa buhay sa pamamagitan ng series ng videos online.
Matinding karanasan ito para sa Superstar na umamin na halos sumuko siya, huh!
Pahayag ni Nora, “Noong ginagawa ko ito parang gusto ko nang sumuko. Talagang hirap na hirap po ako talaga.
“Iba po pala talaga ‘yung gumagawa ka ng eksena na wala kang kausap. Para kang luko-luko na kinakausap mo, wala!”
Sa Facebook page ng Tanghalang Pilipino napanood at mapapanood pa ang “Lola Doc.”
Alternative space ito para magdaos ng pagtatanghal habang nasa ilalim pa ng modified enhanced community quarantine ang Metro Manila.
Well, at least, nakapagpatikim muli si Nora ng kanyang de kalidad na pag-arte.
Swak ito dahil wala pa rin ngang katiyakan kung kailan muling mapapanood ang Kapuso series niyang “Bilangin Ang Bituin sa Langit.”