ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantaypantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Marami ang nagsasabi na kapag natapos ang pandemic o mawala ang COVID-19, ang buhay natin noon ay hindi na maibabalik sa normal. Mababago na raw ang buhay natin at ang tawag dito ay “new normal.” Pero kahit hindi pa tapos ang pandemic eh parang madami na ang nagbabago. Ikaw Tito Alex, ano ang mga napansin mong pagbabago habang may pandemic pa?
Maristela ng Calamba
Hi Maristela,
Sa totoo lang, hindi pa nagsisimula ang new normal eh marami nang pagbabago ang nakikita ko sa paligid. Sa grocery sa tingin ko eh ganyan na ang mangyayari. Isa-isa na lang bawat pamilya ang mamimili. Dati kasi, buong pamilya ang namimili sa grocery. Ngayon, tatay na lang o kaya nanay. Kapag si nanay ‘yang namili, mabilis, kapag si tatay, mabagal kasi panay tawag sa cellphone kay nanay. Sa pila, makikita mo rin na may mga bilog na nakasulat sa daan. Palatandaan ito kung saan ka tatayo. Pero kahit may bilog na eh wala pa rin sumusunod kaya may problema dito. Sa transportation naman, may mga pagbabago na rin. Kapag sasakay ka sa jeep, may division na, kaya pakiramdam mo, gagamba ka na nasa loob ng posporo. Kailangan mo na rin daw sabihin ang pangalan mo at saan ka nakatira para sa contact tracing. Contact tracing eh para kapag may nagka-COVID 19, alam nila kung sinu-sino ang mga sumakay at kung saan nakatira. Hindi ko lang alam kung effective ‘yun kasi kawawa naman ang jeepney driver. Taga-kuha ng bayad habang nagdradrive tapos ililista pa niya pangalan at taga-saan ang pasahero niya. Eh minsan, kasama pa niya ang misis niya na inaaway siya habang nagmamaneho. Saka ang pasahero, kailangan ganito na kapag magbayad – “Bayad po, Alex Calleja, tagaTaguig, 47-years-old, may asawa pero hindi masaya.” Madaming pagbabago, may nakakatawa, may nakakalungkot. Kaya humanda na tayo sa “new normal”!
*
Hi Alex,
Ano ba talaga ang ibig sabihin ng mass testing?
Tristan ng Paranaque
Hi Tristan,
Ayaw ko na makialam diyan. Sila-sila nga, nagkakagulo, tatanungin mo pa ako. MASS mabuting sila na lang ang tanungin mo, MASS sila ang nakaka-alam!
May mga taong kaya walang suot na mask eh dahil walang pambili. Gusto nila pero wala silang pambili. Pero ang ibang may pera na ayaw magsuot ng mask, alam ko kung bakit! Kasi biruin mo, gumastos ka para ipaayos ang bibig mo at ilong tapos tatakpan mo lang ng face mask, ang saklap diba! Kaya napansin mo, madalas babae ang nahuhuli ng pulis na walang face mask pero ang ganda ng lipstick! ‘Yan ang dahilan!
***
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@ yahoo.com or facebook/ twitter/instagram: alexcalleja1007.