ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Mainit ang balita ngayon tungkol sa pagbubukas ng klase. May mga gustong magbukas na, may mga iba naman, gustong ‘wag muna. Ultimo si President Duterte eh ayaw ipabukas ang klase dahil sa takot na magkahawaan ang mga students. Magbubukas lang daw kapag may bakuna na. Sabi naman ng mga pabor sa pagbubukas ng klase eh puwede naman daw online ang gawin para hindi na kailangang pumasok ng mga students sa school. Bilang magulang eh medyo pabor ako na ‘wag muna buksan ang school at magbukas lang kapag sigurado na ligtas ang mga bata. Ikaw, anong masasabi mo dito Tito Alex?
Harley ng San Juan
Hi Harley,
Parehas tayo ng opinion. Bilang ama, gusto ko rin na wag munang buksan ang mga schools. Delikado para sa mga anak natin lalo na sa mga elementary. Aminin natin na hindi lahat ng mga bata eh susunod sa mga safety rules. Dito nga sa bahay eh napakaburara ng anak ko, paano pa kaya sa school. Saka kahit ang anak mo, maayos at malinis sa katawan, paano kung ‘yung classmates naman niya ang hindi. Baka pag-uwi ng anak mo, hindi lang homework ang dala, may COVID-19 pa. Sa sinasabi namang online, para sa mga mayayaman o may kakayahang magkaroon ng Internet sa bahay, ok ito, eh paano ang mga mahihirap? Eh di parehas din ang nangyari, imbes na sa school magsiksikan, nasa computer shop at doon nag-online schooling! Eh syempre, dikit-dikit din sila kasi hati-hati sa bayad sa isang computer unit. Kapag sa bahay naman, malamang ganun din, isang computer, limang bata! Saka sa tingin mo kapag online, makaka-focus ang mga bata! Malamang naka-online ‘yan pero nakabukas ang Facebook o kaya may computer games na nilalaro! Magiging talamak din ang kopyahan kasi may group chat sila! Hi-tech na pati cheating! Kailangan pag-isipan mabuti ng pamahalaan ‘yan!
*
Hi Alex,
Kung wala kang choice, anong pipiliin mo, maglakad papuntang opisina o mag-bike papuntang opisina?
Marco ng Makati
Hi Marco,
Mas gugustuhin ko sa bahay na lang magtrabaho! Kapag naglakad ka, takaw sita ka sa checkpoint! Kapag nag-bike ka, nakakatakot dahil ang mga sasakyan, kapag nakakakita ng nagba-bike, gustung-gustong pinipinahan! Parang gustong bundulin ang mga nagba-bike!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.