BY DANTE LAGANA
*
INTERESADO ang mga anak ng former actor na si Dennis Roldan na sina former volleyball player at Binibining Pilipinas Globe 2018 titleholder Michele Gumabao, actor Marco Gumabao at Margarita Gumabao na idebelop ang kanilang farm sa Iba, Zambales.
Sumangguni nga sila Department of Agriculture (DA) para mapalawig ang kanilang kaalaman sa agrikultura.
Nabanggit ito ng DA Consultant na si Felicito Espiritu Jr. sa social media kamakailan.
Tila gusto ng magkakapatid na pagtuunan ng higit na pansin ang kanilang taniman ng manga, pati na ang sa ngayon ay bakanteng lugar ng piggery both located sa kanilang walong hektaryang lupain na napabayaan na.
Well, hindi na masama dahil ika nga ng iba, sa lupa may pera.
Sila ang mga halimbawa ng mga kabataang future farmers at entrepreneurs na maaaring umunlad sa buhay dahil sa agrikultura.
Swak ito sa ideya ng DA na gawing “in” ang agriculture.
Kamakailan nga lang ay hinirang nila si James Reid na maging Youth Ambassador for Food Security para ipromote ang Philippine Agriculture at para na rin sa programa nilang “Plant, Plant, Plant.”
Aba, sa panahon ng COVID-19 pandemic kung ganito tayong lahat bukod sa kumikita malamang hindi tayo magugutom dahil ang kakainin natin fresh aanihin.
Ilan na ring celebrities ang nahihilig sa pagtatanim. Kabilang na dito sila Richard Gomez, Dawn Zulueta, Gabby Concepcion, Mylene Dizon, Neri Naig, Coco Martin, Cheska Garcia, DJ Semerad at iba pa.