ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Unang araw ng GCQ sa June 1 at halo-halo ang mga opinion ng mga tao. May mga natutuwa kasi makakalabas na, makakabalik na sa trabaho, makakapasyal na, makakauwi na sa mga probinsiya nila, at ‘yung iba, para lang bumalik sa normal.
‘Yung mga hindi naman natutuwa eh ‘yung mga ayaw pang lumabas, takot dahil mataas pa ang bilang ng may COVID-19, takot dahil wala pang vaccine, at nagagalit dahil baka daw lalong dumami ang bilang ng may COVID-19 at ibabalik sa ECQ.
Ako, personally, ayaw ko pa lumabas pero wala akong choice kasi kailangan magtrabaho. At sa tingin ko maraming katulad ko ang natatakot. Wala pa akong nakakausap na kakilala ko na gusto ang GCQ sa June 1. Kaya sa tingin ko, mga 90 percent ng Pinoy sa Maynila ang ayaw pa sa GCQ sa June 1. May kilala ka bang gusto ng GCQ sa June 1 Tito Alex?
Pancho ng Tandang Sora
Hi Pancho,
May mga kilala akong matutuwa sa GCQ sa June 1. Sila ‘yung may-ari ng mga punerarya. Kasi kapag hindi tayo nag-ingat, siguradong madadale tayo ng COVID-19. Sa totoo lang, kabado rin ako! Para ito ‘yung pakiramdam ko dati na kapag malakas ang ulan at aalis ka, hihintayin mo munang humina ang ulan. Tapos ‘yung akala mong mahina na, lalabas ka, eh biglang lumakas, hindi mo sure kung kaya ba ng payong mo at kapote na hindi ka mabasa? ‘Yan din ang nararamdaman ko sa June 1. Parang nasa movie tayo sa America na ang title ay “Survivor.” Sana sa June 1 ang GCQ eh general community quarantine na ang ibig sabihin ay hindi Get COVID-19 Quickly!
*
Hi Alex,
GCQ na sa Maynila at kailangan ko na pumasok. Lalabas na ako at makikisalamuha sa mga tao. Gusto ko lang itanong sa ‘yo kung ano ang pinaka-kinakatakutan mong mangyari sayo kapag lumabas ka sa GCQ?
Gene ng Navotas
Hi Gene,
Ang pinaka-kinakatakutan kong mangyari kapag lumabas ako ng bahay sa GCQ eh ang maubo! Kasi dalawa lang ang mangyayari, matatakot ako na baka may sakit ako o matatakot ang mga tao sa paligid ko dahil baka may sakit ako!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.