BY ALEX CALLEJA
*
ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
Hi Alex,
Nalilito na ako. Sabi puwede na daw ang motor sa EDSA, ngayon hindi na daw puwede ang motor sa EDSA. Sabi lagyan daw sidecar para payagan, tapos bawal naman daw ang tricycle. Ano ba talaga, puwede o hindi?
Marlon ng Makati
Hi Marlon,
Sa totoo lang, hindi ko rin sigurado na kung puwede o hindi. Pero ang sigurado ako eh ‘yung mga may apat na gulong tulad ng kotse. Kaya mabuti pa, palagyan mo ng additional na dalawang gulong ang motor mo para apat na ang gulong nito. Hindi ka na huhulihin. Kahit maghelmet ‘wag na rin, apat na gulong eh! Subukan mo!
Hi Alex,
Nakita ko ang bagong paraan ng pagbilang ng mga may COVID-19 sa bansa natin. Medyo nalilito ako. May late cases at may fresh cases. At lalo silang tumataas. Ano ba talaga ang formula ng pagbilang ng DoH?
Gabriel ng Cavite
Hi Gabriel,
May bagong formula kasi ‘yan. Gamitin mo lang ang formula na square root of the denominator of the sum of the product of X and Y, multiplied by the result of the Pythagorean Theorem and get the absolute value of the result. Simple lang, try mo!
Hi Alex,
Natanggap ko ang bill ng Meralco namin. At nagulat ako dahil sobrang taas kumpara sa mga nakaraang buwan kong bill. Sobrang taas as in halos apat na beses ang taas. Akala mo nakatira kami sa mall sa taas. Hindi ko alam kung bakit tumaas eh lalo nga kaming nagtipid dahil wala kaming kita. Dalawa lang kami sa bahay at matipid kami sa kuryente. Humingi kami ng paliwanag sa Meralco pero lalo kaming nalito. Ayaw naming bayaran hanggang hindi malinaw. Puwede naman daw hulugan pero hindi pa rin kami pumayag hanggang walang maayos na paliwanag. Natatakot lang kami na baka maputulan kaya nag-aalala kami. Ano ba talaga ang dahilan at biglang tumaas ang bill ng Meralco namin.
Claire ng Quiapo
Hi Claire,
Isa lang ang nakikita kong paliwanag dyan, nagbabawi ang Meralco. Kung gusto mo masigurado na hindi na mataas next time, ‘wag kang gumamit ng kuryente. Patayin mo ang main switch. Kapag may siningil pa rin ang Meralco, malaking misteryo ‘yan!
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.