BY ALEX CALLEJA
*
ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Ang daming nag-react nang nag-announce ang BIR na magkakaroon na ng tax ang mga online sellers. Madami kasing mga Pinoy ang naging online sellers nang nawalan ng trabaho dahil sa pandemic. Sunod-sunod kasi ang mga panukala kung saan puro tax ang hinihingi ng gobyerno. Bago ang tax sa online sellers eh naging matunog din ang balita na kailangang iparehistro ang mga bike at kailangan magbayad ng registration fee. May napabalita rin na magkakaroon ng tax ang mga online entertainment provider tulad ng Netflix. Ano ang opinion mo dito Tito Alex?
Basha ng Tramo, Pasay City
Hi Basha,
Sa isang banda, naiintindihan ko ang gobyerno dahil ang mga taxes natin ang nagbibigay sa kanila ng pondo. Pero hindi ko lang gusto ang timing. Marami ang nawalan ng trabaho na naging online sellers at marami rin ang umaasa sa mga online sellers lalo na ‘yung mga pagkain. Imbes kasi na pumunta sa grocery o kaya mamalengke, mga lutong ulam ang binibili sa mga online sellers. Pero yung mga P250,000 and above lang daw naman. Pero ang nakakainis eh baka dahil sa tax eh magmahal ang presyo ng mga online sellers. Kawawa ang lahat. Nakakatakot tuloy na dahil sa pinarehistro na ang mga bike eh baka ang kasunod naman ay mga suot nating tsinelas! Saka dahil online stand-up comedy ang ginagawa ko, baka kada joke ko eh may tax na rin! ‘Wag naman sana!
*
Hi Alex,
Ang daming online show at karamihan sa kanila, gumagamit ng Zoom. Kung ikaw gagawa ng online show Tito Alex, anong online show ang gagawin mo gamit ang Zoom?
Ella ng Pandacan
Hi Ella,
Bago ko sagutin ang tanong mo, gusto ko muna sabihin na tama ka na maraming online show na gumagamit ng Zoom. Puwede ka kasing gumamit ng multiple windows kaya pwede kang mag-guest ng marami.
Anong online show ang gagawin ko? Online Zoom-ba! Para sabay-sabay tayong mag-zumba online! ‘Wag lang sanang umabot ng Pasko itong pandemic kasi ang mangyayari sa atin, pati Simbang Gabi magiging online! Tatawagin itong ‘Zumbang Gabi.’
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.