BY MELL NAVARRO
*
KAMAKAILAN, dumalo at sumuporta ang Kapuso actress na si Janine Gutierrez sa isang rally sa UP Diliman laban sa kontrobersiyal na Anti-Terror Bill.
Walang pakialam si Janine sa sasabihin ng ibang tao. Nanindigan siya sa kanyang paniniwala.
Higit pa roon, hinikayat ng anak nina Lotlot de Leon at Ramon Christopher ang publiko na manindigan rin.
“Kahit ano pa ang trabaho mo o kahit naiiba ang paniniwala mo sa nakararami, una sa lahat, Pilipino ka. May karapatan ka at may responsibilidad ka. Stay informed. Speak,” pahayag ni Janine.
Samantala, nag-trending naman ang anak nina Sen. Kiko Pangilinan at Megastar Sharon Cuneta na si Frankie Pangilinan nang makipagbalitaktakan ito sa batikang commentator na si Ben Tulfo sa isyu ng pananamit ng kababaihan.
Nagsimula ang lahat nang mag-post sa Facebook (deleted na ito ngayon) ang Lucban Municipal Police Station na nagsabing manamit nang maayos ang mga babae upang hindi ma-harass.
“Stop teaching girls how to dress? Teach people not to rape,” tweet ni Frankie.
Tila minaliit ni Ben ang opinyon ng dalaga. Tinawag pa niya itong “hija.”
Ayon kay Tulfo, nakakahanap raw umano ang isang sex offender ng oportunidad upang makapag-commit ng krimen kapag natutukso.
“Sexy ladies, careful with the way you dress up! You are inviting the beast,” tweet nito.
Umani ng mga papuri, pagsaludo, at paghanga sina Janine at Frankie dahil sa katapangan nila sa paglabas ng kanilang saloobin.
Sa totoo lang, mukhang mas may “balls” pa ang dalawang dalaga kesa sa ibang mga lalaking artista at mga pulitiko dahil sa tapang nilang magsalita at manindigan sa kanilang pinaniniwalaan.