BY ALEX CALLEJA
*
ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Galit na galit si Sharon Cuneta sa isang lalake na nagpost ng masasamang salita sa anak niya kay Sen. Kiko Pangilinan. Sobrang sama kasi ng message ng lalake. Ang pinag-ugatan kasi nito eh ‘yung opinion ng anak ni Sharon Cuneta tungkol sa rape at sa pananamit na ang nakasagutan niya ay isa sa mga Tulfo brothers. Mukhang hindi titigilan ni Sharon Cuneta ang lalake at aabot hanggang demandahan. Ano po ang masasabi niyo dito Tito Alex?
Pampi ng Cebu City
Hi Pampi,
Iba magalit si Mega! Syempre isa siyang ina. Naiintindihan ko siya. At mabigat na kalaban si Mega. Anak ni Mayor Cuneta ‘yan. Nagkamali siya ng binangga! Tapos na ang pagiging member ng grupong Crying Ladies si Mega. Palaban na siya! Kasama na siya sa Pamilyang Hindi Lumuluha! Lalabanan ka niya Maging Sino Ka Man! Kaya nagagalit si Mega eh dahil ito ang gusto niyang sabihin Kung Ako na Lang Sana ang kinalaban mo, ‘wag na lang ang anak ko. Ikaw ang magtago ngayon! Tayong Dalawa ang magtutuos! Pangako Sa ’Yo, Ngayon at Kailanman, Oras-oras, Araw-araw, Babangon Ako’t Dudurugin Kita ‘yan ang gusto sabihin ni Mega sa kalaban. Dahil para kay Mega, ang anak niya ang Biktima! Walang Kapalit na hinihingi si Mega kung hindi katarungan para sa anak niya. Ngayon ang kalaban ni Mega ito ang nararamdaman – Pasan Ko ang Daigdig! Sa mga hindi nakakagets, lahat po ng naka-highlight eh pelikula ni Sharon Cuneta! Kaya ‘wag mong tantanan Mega, para matuto!
*
Hi Alex,
Uso po ang facemask ngayon at iba-iba ang design. Kaya naman madami akong binibili para in ako sa uso. Pero ang napapansin ko lang, lahat ng nabibili kong facemask eh mababaho kapag sinusuot ko. Naamoy ko eh! Hindi ko naman masoli kasi nabayaran ko na. Bakit ba mabaho ang mga facemask?
Kim ng Puerto Galera
Hi Kim,
Kung lahat ng facemask na nabili mo ay mabaho kapag sinuot mo, isa lang ang ibig sabihin nun – bibig o hininga mo ang mabaho. Imbes facemask ang bilhin mo, toothpaste o mouthwash ka rin mag-invest.
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.