BY ALEX CALLEJA
*
ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantaypantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Ang daming naglalabasan na panglaban sa virus kasama na ang COVID-19. May mga disinfectant mat, alcohol, disinfectant spray, may no-touch alcohol dispenser at kung anu-ano pa. Pero ang nakapansin ng atensyon ko ay yung may fog mist disinfectant (pausok sa bahay) at yung mga UV light na lamp or yung handheld. Nakakatanggal daw talaga ng virus kasama ang COVID-19. May ibang mura, may ibang mahal. Effective ba ang mga ito, Tito Alex?
Antonio ng Taguig City
Hi Antonio,
Ganyan din ang nakikita ko lalo na sa social media ko. Ang daming nagbebenta. Sa tanong mo kung effective, hindi ko masasagot yan kasi hindi naman ako ang eksperto dyan. Dun sa mga fog mist disinfectant, delikado yan kasi baka mapagkamalan ka na nagmamarijuana! Ligtas ka nga sa COVID-19 eh baka matokhang ka naman. Sa mga UV lights na lumalabas ngayon na ang daming mga version, lalong hindi ko sigurado. Kasi ang UV light raw eh parang ilaw na galing sa araw. Bumili pa rin ako dahil kung hindi man gumana sa virus eh at least pwede kong gamitin sa mga bampira at aswang!
*
Hi Alex,
Dahil lagi akong nasa bahay kasi quarantine, napansin ko na marami na palang sira ang bahay namin. Sira na ang bubong, tumutulo kapag umuulan, at madami nang tama ang kisame. Ang sahig at dingding namin, madami na rin mga natanggal na semento. Sira na ang pinto at mga bintana. Balak ko sana magpaayos ng bahay namin kasi kami naman ang may-ari nito at sa amin din ang lupa. Malaki ang gagatusin at balak ko sana mangutang. Maganda ba sa bangko na lang ako umutang?
Gabbie ng Bacoor, Cavite
Hi Gabbie,
Kinabahan ako nang mabasa ko ang salitang utang. Akala ko sa akin ka uutang, muntik ko na madelete ang email mo. OK naman sa bangko umutang pero hihingan ka nun ng collateral. At dahil sa inyo naman ang bahay at lupa, pwede mong gawing collateral ang titulo ng lupa at bahay niyo. Ang problema nga lang, yung uutangin mo eh para gumanda ang bahay niyo. Kapag hindi mo nabayaran yan, yung bahay na pinaganda mo eh kukunin ng bangko na inutangan mo para magpaganda ng bahay niyo. Ang sakit diba?!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] n
facebook/twitter/ instagram: alexcalleja1007