BY ROWENA AGILADA
*
NAPAPANOOD sa ngayon ang re-run ng “Encantadia” sa GMA7 kung saan gumaganap si Kylie Padilla bilang Amihan.
Ani ng seksing maybahay ni Aljur Abrenica, nalungkot at nanghinayang siya na hindi niya natapos ang naturang fantaserye.
To those not in the know, pinatay ang karakter niya sa show dahil sa unexpected pregnancy niya sa unang baby nila ni Aljur. May dalawa na silang supling sa ngayon.
Ani Kylie, feeling niya’y may “unfinished business” ang karakter niya.
“Nakakalungkot talaga. Sayang. Ipinagdarasal ko na sana’y magkaroon ng season 2 ang ‘Encantadia.’ Sana’y pagbigyan muli ako at pagtiwalaan ng GMA7.”
It’s been a while na since napanood si Kylie sa TV. Abala ito sa kanyang mga anak.
Kumusta naman kaya si Aljur?
PRIORITY
Tahimik ang career ni Kim Domingo ngayon. Di hamak na mas maingay ang pangalan niya noong nagpapa-seksi pa siya.
Well, wala siyang problema dito. Mas pipiliin daw ni Kim ang love over career. ‘Yan ang sabi niya sa kanyang vlog.
Aniya, hindi habangbuhay ang career. Nawawala ang kinang, samantalang andyan parati ang tunay na pagmamahal.
Okay…
NATUTO
Dahil sa community quarantine, natutong mag-Tiktok si Jillian Ward. Ito ang libangan niya ngayon.
Ayon sa “Prima Donna’s” star, dati’y hindi siya marunong sumayaw.
“Ginagaya ko lang ang choreography. Dati’y wala sa beat. Ngayon, kahit papaano’y may beat na,” natatawang pahayag nito.
Habang naghihintay mag-resume ang taping ng “Prima Donnas,” napapanood si Jillian kasama ang co-stars niyang sina Althea Ablan, Sofia Pablo at Elijah Alejo sa “Prima Donna’s Watch From Home” every Friday at 5 pm sa social media accounts ng GMA7.