BY ALEX CALLEJA
*
ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Grabe ang taas ng bill ko sa Meralco. Triple ang taas sa normal na singil sa amin! Ang daming paliwanag ng Meralco pero hindi ko maintindihan! Kesyo hindi daw sila nakapagreading kaya average ang kinuha. Kesyo ang kinuha daw eh ang December kung saan mababa ang konsumo. May dahilan na nandito daw kami palagi sa bahay kaya mataas ang kuryente! Pero susme, parang naging mall ang bahay namin. Nakakainis! Gusto kong magmura sa sobrang taas! Nakakainit ng ulo! Ano ba talaga ang paliwanag dito!
Sergio ng Canlubang
Hi Sergio,
Naiintidihan kita at kung saan nanggaling ang reklamo mo pero lagi nating iisipin na kailangan din natin intidihin ang Meralco. Baka naman kasi tama sila, may dahilan para magtaas at maayos naman ang computation. Hindi naman siguro sila gagawa ng ikasisira nila. Maging mahinahon lang tayo. Lahat naman eh nadadaan sa maayos na usapan. Kalma lang! Teka, dumating na sa email ko ang bill ng Meralco, check ko lang. Anaknang! Bakit ang laki ng bill ko! Anong kalokohan ito! Sira ba ulo niyo Meralco! Sandali lang Sergio ha! Kakausapin ko lang ang p$^%&(^*&*)*_ Meralco!
*
Hi Alex,
Malapit na magsimula ang klase at talagang sinusulong ang online class. OK sana kung may Internet at computer ang lahat pero paano naman kaming mahihirap. Hindi naman lahat eh kayang magkaroon ng computer at laptop, saka mabilis na Internet. Lalo na kami na nakatira dito sa Bulacan na mahina ang Internet. Gusto kong magpatuloy ng pag-aaral ang anak ko pero sana ‘yung talagang kaya ng lahat. Ayaw ko naman bumalik sa dati na papasok sila sa classroom dahil delikado sa COVID-19. Anong masasabi mo dito Tito Alex?
Sopreo ng Bulacan
Hi Sopreo,
Naiintindihan kita. Hindi naman lahat may kakayahan na magkaroon ng laptop or computer at mabilis na Internet. Pero kahit naman ako na may Internet at laptop eh hindi ko papayagan ang anak ko sa online learning. Baka mamaya, akala ko nag-aaral ‘yun pala naglalaro ng computer games! Saka, baka mamaya, puro chat lang ang gawin o kaya, kapag exam, hi-tech din ang cheating! Kapag hindi alam ang sagot, Google! Dapat pag-isipan talagang mabuti ‘yan!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.