BY JUN NARDO
*
TULUYAN na ngang nagsara ang mga comedy bars ni Allan K na Klownz sa Quezon Avenue at Zirkoh sa Timog Avenue, Quezon City dahil sa krisis na dulot ng mapamuksang COVID-19.
Matagal ding naghatid saya sa mga tao ang mga naturang comedy bars, huh!
Nagsilbi itong pangunahing comedy bars sa QC na halos gabi-gabi’y punumpuno ng tao.
Hindi naman kasi matatawaran ang galing ng mga performers dito na parating handa magpatawa at magpasaya ng mga tao sa pangunguna ni Allan.
Take note, marami sa ating mga batikang komedyante ang nagsimula ang karera dito.
Sa comedy bars ding ito yumabong ang angking talento nina Jose Manalo at Wally Bayola, John Lapus, Boobay, Ate Gay, Kim Idol at iba pang stand-up comedians.
Naging concert venue rin ito ng ilang sikat na singers gaya ni Regine Velasquez-Alcasid at Comedy Queen Ai-Ai de las Alas.
Wala pang katiyakan kung kailan magbubukas ang leisure business kaya minabuti na ni Allan at kasosyo na magsara na lang kaysa madagdagan ang gastos sa rent, kuryente at iba pa.
Sarado na ang entablado ng Klownz at Zirkoh pero dahil super-talented ang mga stand-up comedians nila, siguradong hindi ito mawawalan ng raket sa mga darating na panahon. Magagagamit at magagamit nila ang kakayahan nilang magpasaya sa mga tao!