BY ALEX CALLEJA
*
ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Pinapabalik na ako sa trabaho pero kailangan dumaan sa rapid testing. Nabalitaan ko na ang rapid testing pala eh kukunan ka ng dugo sa pamamagitan ng karayom o kaya naman susugatan ka sa daliri. Takot ako sa dugo at injection! Gustong-gusto ko na magtrabaho pero hindi ko talaga kaya Tito Alex. Sinusulat ko pa nga lang sa iyo eto eh ninenerbyos na ako! Baka naman matulungan mo ako. Baka may alam ka para makakuha ng rapid test ng hindi na dadaan sa injection o susugatan pa ako! Parang awa mo na Tito Alex, tulungan mo ako!
Edgar ng Novaliches
Hi Edgar,
Pinapahanap mo ako ng paraan para makapag-rapid test ka ng hindi nagpapainjection? So anong akala mo sa rapid testing, emission test sa LTO na puwede mong bigyan ng lagay para ipasa ang tambutso mo. O baka naman gusto mo pa ako maghanap ng dugo para ‘yun ang gamitin mo sa rapid testing! Ano yan, ihi sa drug test! Natatakot ka sa dugo eh mas matakot ka sa COVID-19! Kalalake mong tao! Uutusan mo pa ako at gagawing kasabwat!
*
Hi Alex,
Apat daw ang papasok na bagyo ngayong buwan ng Hulyo sa bansa natin ayos sa prediction ng PAGASA. Malalakas daw na bagyo ito at talagang puwedeng magdulot ng pinsala sa bansa natin. Sana naman eh hindi ito matuloy o kaya umiwas ang mga bagyo sa atin. Kung tatama man eh sana mahina. Sobra na talaga ang taong 2020 Tito Alex! Ano bang maaring gawin kapag tumama ang bagyo sa bansa natin?
Claire ng Pampanga
Hi Claire,
Huwag kang matakot Claire, hindi tutuloy ang bagyo nay an! Sa taas ng bilang ng COVID-19 sa bansa natin, iiwas na sila! Saka, baka hindi naman apat ang pumasok at hindi magkatotoo ang prediction ng PAGASA. Kapag hindi umabot sa apat ang bagyo eh di panalo na naman tayo at tinalo natin ang PAGASA! Last month UP ang tinalo, ngayon PAGASA, ano naman kaya next month! Abangan!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007