BY RUEL J. MENDOZA
*
Biglang napasabak muli si Zoren Legaspi sa pagdidirek sa TV at nataon pa na ang kanyang pamilya ang ididirek niya sa mga panibagong episodes ng cooking talk show na “Sarap, ‘Di Ba?”
Dahil sa COVID-19 pandemic, sa Legaspi house kinunan ang mga episodes nila Carmina Villarroel, at ng kambal na sina Mavy and Cassy Legaspi. Kaya ang title na ng show ay “Sarap, ‘Di Ba? Bahay Edition.”
Inamin ni Zoren na malaking challenge ang idirek ang kanyang misis na si Carmina samantalang madali lang idirek ang kanyang kambal.
“Mas mahirap ito kaysa i-direct si Robert de Niro. Mahirap i-direct si honey. Sina Mavy at Cassy kasi, syempre they know me as tatay, so it’s very normal na ang approach nila sa ’kin ay kaibigan,” sey ni Zoren na nadirek na si Carmina sa pelikulang “Shake, Rattle & Roll 12” noong 2010 sa episode na “Mamanyiika.”
Kung matatandaan ay sa GMA-7 nabigyan ng break si Zoren na maging TV director.
Dinirek niya ang action-fantasy series na “Fantastikids” noong 2006 kung saan bida sina Isabella de Leon, BJ Forbes at ang yumaong si Marky Cielo.
Naging director din siya ni Mark Herras sa pinagbidahan nitong TV series na “Fantastic Man” noong 2007.
Na-involve daw ang lahat ng nasa bahay nila sa pag-shoot ng episode ng “Sarap, Di Ba?” Si Mavy ang naging assistant director ni Zoren samantalang sina Carmina, Cassy at ilang household helpers nila ang nag-asikaso ng teleprompter at ilaw.