BY DANTE LAGANA
*
NAKAUSAP ng TEMPO via Messenger ang 17-year-old Waray beauty queen na kasalukuyang Sinulog Festival Queen na si Monika Johnson Afable, kaugnay sa pag-viral recently sa social media ng larawan na nagtitinda siya ng Biribid (tawag sa Samar sa pilipit na tinapay) sa Puro Island, Borongan Eastern Samar.
Ibinahagi ni Monica ang kuwento ng kanyang pagtitinda ng Biribid.
“Gumagawa talaga kami ng Biribid mga bata pa lang kami nahinto lang noong March dahil lockdown. Last week puwede nang gumawa, nasa island naman kami so very safe. Marami kaming gastusin kaya para makatulong din sa family ko kahit maliit na bagay.”
Nagsimula si Monika sa pag-pa-pageant sa kanilang school na kung saan napansin siya ng president ng tourism sa kapitolyo upang maging respresentative sa Sinulog.
“Actually ang aking first pageant ay parang requirements sa school. Hindi ko pa po alam ang flow ng isang pageant. Hindi po ako nanalo doon pero mayroon akong award,” sabi ni Monika.
May balak bang pasukin ni Monika ang showbiz after niyang mag-viral?
“Hindi po ako sure. For now ang priority ko ay makatapos ng pag-aaral.”
Balak daw niyang kunin ang kursong Accounting o Business Management.
Sa mga beauty queen, idol daw ni Monica si 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach dahil nakakarelate daw siya sa ilang beses na pagkatalo ni Pia sa pageant hanggang sa ito’y manalo. Sa artista naman ay si Anne Curtis ang hinahangaan niya.
Bagamat galing sa broken family ay hindi naging hadlang kay Monika ang magpursige sa buhay. Bagkus, ginawa niya itong inspirasyon sa piling ng kanyang Lola Sisa sa father side.
Sa gandang mayroon si Monika na ala Sarah Lahbati, kwidaw kayo dahil nakaranas din siya ng pam-bu-bully na tipong minamaliit kung saan siya nakatira.
Sey niya, “Opo noong Grade 7 diba taga island ako tapos taga city sila. Parang sinasabihan ako kung may TV kami at kung may kuryente sa lugar namin…”
Gayunpaman ay never daw siyang nagpaapekto.
Balak daw sumali ni Monika sa Miss Millennial ng “Eat Bulaga.” Ayos!