BY ALEX CALLEJA
*
ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Nakabasa ako dito na may sumulat tungkol sa away ng magkapitbahay sa isang puno. Natawa ako kasi hindi ako naniwala na may mag-aaway dahil lamang sa puno. Akala ko nga, gawa-gawa niyo lang ang kuwento eh! Pero kaya ako sumulat dahil ako na mismo ang may problema sa kapitbahay ko dahil sa puno.
Nakapasok po ang sanga ng puno ng mangga sa bakuran ko. Ang puno po at ugat ay nasa kapitbahay ko. Nagreklamo ako dahil ang mga dahon na galing sa sanga na nasa bakuran ko ay nalalaglag sa amin. Sobrang kalat kaya nagreklamo ako sa kapitbahay ko. Ang sinagot sa akin ay kalat ko raw ‘yun kasi ‘yung sanga ay nasa loob ng bakuran namin! Kaya hindi na ako nakipag-away. Ito ngayon ang sitwasyon. May bunga ng mangga ‘yung sanga na nasa loob ng bakuran namin. Pipitasin ko pero nagalit ang kapitbahay namin kasi sa kanila raw ang bunga na ‘yun. Sabi ko, ang dahon at sanga sa amin, ang bunga sa inyo, eh napakagaling naman nun! Balak namin pareho magreklamo sa barangay! Kung kayo ang magdedesisyon, sino ang tama sa amin?
Soledad ng Laguna
Hi Soledad,
Para sa akin, ikaw ang tama! Pero mukhang hindi papatalo ang kapitbahay mo. Ibigay mo na sa kanya ang mangga. Ganito na lang ang gawin mo. ‘Wag mong puputulin ang sanga na nakapasok sa inyo. Tutal sa’yo naman ang dahon at sanga, sunugin mo! Kasi gagapang ang apoy papunta sa puno. Sunog ang puno, tapos na ang problema mo, wala na kayong pag-aawayan! Hindi niyo na kailangan pumunta sa barangay!
—–
Hi Alex,
May plano daw po ang gobyerno na hiyain ang mga COVID-19 positive na mga tao para makatulong daw sa hindi pagkalat nito. Paano kaya nila gagawin ‘yun?
Gilbert ng Cebu
Hi Gilbert,
Hindi ko alam kung paano. Baka tutuksuhin nila o kaya tatatakan sa noo.
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/ instagram: alexcalleja1007.