BY ALEX CALLEJA
*
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
May nakasagutan akong waiter pati ang manager niya sa isang restaurant. Ito ang kuwento. Umorder ako ng pagkain tapos ang babayaran ko ay P980. Dahil P1,000 ang pera ko, hindi ko na kinuha ang sukling P20 (self-service kasi at babayaran na sa cashier ang order).
Nakalimutan ko umorder ng tubig. Iinom na lang sana ako sa water na binibigay nila nang libre pero mukhang madumi kasi may nakita akong mga lumulutang na dumi. Pagpunta ko sa cashier, P30 ang mineral water. P10 na lang ang pera ko. Pero may P1,000 ako. Wala raw panukli ang cashier sa P1,000. Sabi ko, nag-iwan naman ako ng P20 kanina as tip, baka puwedeng idagdag ko ang P10 para total ay P30. Hindi na raw puwede kasi tip daw iyon. Sabi ko, paano ako iinom ng tubig. Sabi niya, magpapalit daw ako para makabili ako ng tubig. Galit na galit ako! Tama bang hindi na ibalik sa akin ang pera dahil tip na raw ‘yun?
Ding ng Malabon
Hi Ding,
Sa totoo lang, masaklap ang nangyari sa iyo dahil ikaw ang nagbigay ng tip at hindi mo mabawi. Pero alam mo, tama sila, naibigay mo na ‘yun at hindi mo na mababawi. Oo, masama ang dating sa iyo pero ganun talaga eh. Baga sa chess, touch move. Baga sa laro ng mga bata, period, walang erase! Ito na lang ang tip ko sa iyo, ‘wag kang magbibigay ng tip habang hindi ka pa tapos kumain. ‘Wag kang mag-alala, hindi ko babawiin ang tip ko na ‘yan sa iyo!
*
Hi Alex,
Ano ba ang tamang pag-pronounce ng lettuce, letis or letus?
Dong ng Navotas
Hi Dong,
‘Wag mo na problemahin ang pag-pronounce! Kainin mo na lang!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/