BY ALEX CALLEJA
*
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
May nakawalang ostrich malapit sa amin dito sa Quezon City. Hindi namin alam kung saan galing. Wala naman kaming alam na malapit na zoo. Hindi ko rin alam kung galing sa exclusive village. At mas lalong hindi ako sure na pwedeng mag-alaga ng ostrich sa residential area. Ano ba ang kwento dito?
JR ng Taguig
Hi JR,
OO nakita ko. Ang laking ostrich! Buti masunurin kasi binaba ng guard yung barrier, huminto. Wala sigurong gate pass. Ayaw ko manghula kung saan galing pero pwede kong hulaan bakit tumakas. Nabalitaan niya siguro na shoot to kill sa QC kapag nagviolate sa MECQ, eh baka natakot kaya gustong umalis ng QC. Saka baka naguguluhan na sa bansa natin kaya balak umalis. At higit sa lahat, napansin niya rin siguro na walang tagalog ang ostrich kaya nainis siya. Ang tindi talaga ng taong 2020 no, kung anu-ano ang nakikita mo sa paligid!
*
Hi Alex,
Nasa MECQ na naman tayo Tito Alex. Ang tagal na natin sa iba’t-ibang klaseng lockdown. ECQ, naging MECQ, tapos naging GCQ, tapos ngayon balik ulit sa MECQ! Makakabalik pa ba tayo sa normal o kahit man lang new normal?
Nicki ng Mandaluyong
Hi Nicki,
Tiwala lang Nicki! Alam ko na MECQ ulit tayo pero at least, ginawa na natin ito dati kaya alam na natin ang gagawin. Sa totoo lang, parang nag-eenjoy na ako sa MECQ, ayaw ko na rin lumabas masyado. Bakit? Kasi kapag lumabas ka, lalo mo lang mararamdaman ang lungkot dahil iba na ang paligid. Talagang nag-iba. Matigas din kasi ulo natin. Sumunod na lang tayo. Para rin ito sa mga frontliners. Ang ganda ng payo ko no! Pero sa totoo lang, hindi ko na rin alam ang gagawin! Habang tinatype ko nga ito eh umiiyak ako! Ako kaya ang tulungan mo! Hindi ko na rin kaya!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007