BY ALEX CALLEJA
*
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Madami ako nababalitaan tungkol sa COVID-19. Baka raw airborne na ito. Ang ibig ba sabihin ng airborne eh pinanganak sa hangin? Tama ba ang pagkakaintindi ko?
Danilo ng Cavite
Hi Danilo,
Kung katabi lang kita, niyakap kita ng mahigpit na mahigpit, pero sa leeg! Walanghiya ka, airborne pinanganak sa hangin! Panalangin ko lang wala kang pinagkwentuhan niyan! Baka mamaya kinalat mo yan at ang matindi, marami ang naniwala sa’yo! Ang airborne ibig sabihin, lumulutang sa hangin! Kaya nga may mga findings ang mga experts na mas nagtatagal ang virus sa hangin at pwede ito makahawa. Dati kasi akala eh pagtalsik sa bibig ng tao eh babagsak lang ito sa sahig or kung saan ito lalapag at doon mo lang pwede makuha. Mukhang lumulutang rin ata raw ito. Hindi pa naman sigurado! Wag mo ng ikalat yang pagkakaintindi mo sa airborne ha! At sana, hindi inborn yan mapurol mong utak. Aral-aral din at huwag puro Tiktok!
*
Hi Alex,
Grabe ang nangyare sa Philheath. Buwan-buwan eh ang laki ng contribution ko at isang beses ko pa lang nagamit. Yun pala kinukurakot lang at umabot na ng bilyon! At ang balita ko eh baka magsara ang Philhealth dahil kulang na sa pondo! Ano ba ang mangyayare sa mga taong sangkot dito at kelan ba ang imbestigasyon?
Precy ng Makati
Hi Precy,
OO nga! Bilyon ang nawala! Ang matindi, sa panahon pa ng pandemya kung saan maraming tao ang nangangailangan ng tulong lalo sa pagpapagamot! Iba-iba ang balita tungkol sa kakayahan ng Philhealth na tumagal kasi merong nagsasabi na hindi naman magsasara dahil may suporta sa gobyerno, may nagsasabi naman na hanggang 2021 na lang daw ang itatagal. Eto ang good news at bad news. Good news eh mukhang iimbestigahan na ang anomaly. Ang bad news, yung mga sangkot na opisyal, biglang nagkasakit kaya mukhang madedelay ang imbestigasyon. Di’ba matindi yun! At ang matindi, baka ang gastos nila sa ospital eh ipa-reimburse pa nila sa Philhealth! Sobra naman!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007