BY ALEX CALLEJA
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Ang bagal ng Internet sa bahay namin. Ilang beses na ako nagpalit ng service provider! Lahat hindi naman naibibigay ang sinasabi nilang bandwidth! Minsan ¼ o kalahati lang! Hindi ako nagbibiro, mabagal talaga lahat! Globe, Sky, Converge, at PLDT! Hindi lahat umubra sa expectations ko! Ang iba, madalas, wala pang connection! Pero ang nakakapagtaka, ang kapit-bahay namin, isang beses lang nagpakabit, ang bilis ng Internet! Hindi nga siya nagrereklamo na mabagal ang Internet niya! Kaya nga takingtaka talaga ako! Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko Tito Alex! Tulungan mo ako!
Frenchie ng Makati City
Hi Frenchie,
Tinanong mo na ba ang kapitbahay mo kung baka naman alam niya ang password mo dati at nahack ka niya! Kaya akala mo, ikaw lang gumagamit, ‘yun pala, buong barangay niyo! Baka naman hindi ka nagpalit ng password at 123456 pa rin ‘yan. Kung hindi ang sagot mo sa lahat ng tanong ko, eto na lang gawin mo! Ikaw naman ang mang-hack ng password ng kapitbahay mong mabilis ang Internet! Subukan mo kaibiganin para mahulaan mo ang password!
*
Hi Alex,
Kumusta na nga pala ang imbestigasyon sa PhilHealth? May balita pa ba kayo Tito Alex? Parang tahimik ha? Baka naman may nasagap kayo kasi ako, buwan-buwan may contribution sa PhilHealth! Baka ikaw, Tito Alex eh wala at may health card ka! Baka naman may alam ka? Tsismis mo naman sa amin!
Donavan ng Cavite
Hi Donavan,
Walanghiya! Tsismisan! Ginawa mo pa akong contact tracer! Saka ‘wag mo ako i-judge ha! Gumagamit ako ng PhilHealth! May masaklap nga akong kuwento! Sige, tsismis, este, kuwento ko na rin sa inyo! Alam niyo ba na bago lumabas ang tsismis tungkol sa PhilHealth eh hindi ako nagbibigay ng contribution sa PhilHealth! Eh naalala ko ng quarantine kaya naisipan ko ulit maghulog. Ang nakakainis eh hinabol ko pa ang tatlong buwan ko hulog sa PhilHealth! After ilang days, lumabas ang balita sa mga katiwalian sa PhilHealth! Diba ang saklap! Parang hinabol ko pa ang mga kawatan sa PhilHealth para ibigay ang tatlong buwan kong contribution! Asar!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@ yahoo.com or facebook/twitter/ instagram: alexcalleja1007.