BY RUEL J. MENDOZA
Hindi na raw bago sa “Prima Donnas” teen star na si Sofia Pablo ang new normal na online schooling.
Two years na raw kasi siyang homeschooled kaya sanay na raw siya sa ganitong naturang set-up na kailangang makasanayan na ng mga estudyanteng kaedad niya ngayong may COVID-19 pandemic.
Inamin ni Sofia na challenging daw ang homeschooling sa simula, lalo na kung sanay kang pumasok sa school kunsaan may face-to-face interaction ka with other students and teachers.
Mahabang pasensya lang daw ang kailangan at mae-enjoy din ng millennials ang homeschooling. Kasama na raw ang mag-focus at huwag magmamadali dahil wala ka namang hinahabol na oras.
“’Kasi po minsan may mga mahahabang stories or notes na ‘yung mga ibang students, ang haba shortcut ko na lang. Hindi po dapat ganu’n kasi self-taught ka na lang at home.
“Dapat po intindihin n’yo po mabuti. ‘Wag n’yo po madaliin. Take your time lang kasi kapag minamadali n’yo po pamali-mali. Slowly pero tama naman,” sey ni Sofia.
Para sa Kapuso teen star, may time daw to study at may time for other recreational activities. Kapag tapos na raw sa kanyang lessons si Sofia, doon lang daw siya nagiging abala sa social media.
Ang online channels nga raw nila ng kanyang ka-loveteam na si Allen Ansay, na ang tawag sa kanila ay Team Jolly, ay humahakot ng milyun-milyong views.
“Nag-iisip na rin po kami ng ganu’n kasi mas maganda po kung sine-share din po namin ‘yung blessings namin sa ibang tao or ‘yung knowledge namin. Hangga’t kaya po namin, gusto po namin na i-influence sila in a good way,” diin ni Sofia.