BY ALEX CALLEJA
ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
Hi Alex,
Madalas ako magpadeliver ng pagkain o kaya mga binili ko sa online sa Lazada at Shopee (salamat Shopee). Nagkakaproblema lang ako sa delivery kasi parehas kami ng numero ng isang bahay na malapit sa amin (mga 100 meters ang layo). Kinausap ko na sila na baka puwedeng paayos namin ang numero. Siya dapat kasi ang magpalit ng numero kasi obvious na lugar nila nagkamali. Kasi sunod sunod ang numero namin (37) at pagdating sa bahay nila, bumalik ulit sa numero (37). Biruin mo, katabi niya eh nasa 75 at 76 biglang nag-37 ang numero ng bahay niya! Pero ayaw talaga magpalit, ako daw ang magpalit ng numero! Nagpa-barangay na nga kami kaya lang hindi maasikaso dahil sa pandemic! Ano ba ang gagawin ko para maayos itong problema ko sa parehas na numero ng bahay?
Maritess ng Pasig City
Hi Maritess,
Kung ginawa mo na ang lahat ng legal na bagay eh ayaw pa rin niya magpalit, baka puwede mong lagyan ng letra ang numero ng bahay niyo. Gawin mong 37-A at 37-B siya. Baka makatulong ng konti. Pero kung hindi or mahirap gawin, may isa pang paraan! Mag-order ka sa online ng mga mahal na order! Tapos COD or cash on delivery ang gawin mo! Padeliver mo sa kanila. O kaya mga bastos na gamit ang orderin mo tulad ng vibrator at padeliver mo sa kanila. Ikaw na bahala kung susundin mo ako!
Hi Alex,
September na bukas at simula na ng BER months! Ano kaya ang mangyayari sa atin Tito Alex? Magiging masaya ba ang pasko natin? Ano ba ang mga pagbabago na inaasahan mo?
Shelly ng Caloocan City
Hi Shelly,
Siyempre ang hindi magbabago eh si Jose Mari Chan, magsisimula ng kumanta! Pero ang nakikita kong pagbabago, kapag nangaroling ka, naka-mask ka. Tapos ang mga ninong at ninong, may excuse na ‘wag kang puntahan o ‘wag kang pumunta kasi social distancing! At si Santa, hindi siya makakapunta sa mga bahay kasi matanda na siya at bawal lumabas ang mga senior citizen! Pero sana may vaccine na o kumonti na ang may COVID-19!
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.