BY ALEX CALLEJA
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Gusto ko bumili ng aso kasi maganda raw bantay sa bahay. Kahit daw hindi matapang na aso, basta maingay at matahol. Sabi niya rin na OK lang na askal o aspin (askal – asong kalye, aspin – asong pinoy). May kaibigan ako na sinasabi na iba-iba raw ang ibig sabihin ng tahol ng aso. May tahol na gutom, may tahol na galit, at may tahol na masaya lang siya. Totoo po ba na magandang may bantay na aso sa bahay at totoo rin ba na iba-iba ang ibig sabihin ng tahol ng aso?
Claudia ng Makati City
Hi Claudia,
Sa bantay na aso sa bahay, oo, maganda kasi maingay. May mga masasamang loob rin na umiiwas sa mga bahay na may aso kasi ayaw nila na mahuli ng may-ari. Pero yung iba-ibang dahilan kung bakit sila tumatahol, hindi ko na alam. Unang-una, hindi naman ako aso para malaman ko kung masaya, gutom o galit sila. Isa lang ang alam ko kapag kinahulan ka ng aso, wag ka ng lumapit. Umalis ka na lang!
*
Hi Alex,
Nakaimplement pa ba ang color coding sa Metro Manila ngayong GCQ na. Hindi ko kasi alam kung meron pa rin.
Clarence ng Quezon City
Hi Clarence,
Bago kita sagutin, sagutin mo muna ang tanong ko. May sasakyan ka ba? Kasi madami akong mga kaibigan na ganyan ang tanong sa akin na kapag sinagot ko, wala naman pala silang sasakyan! O baka nagtatanong ka lang tapos kapag nasagot kita, ikaw naman ang magsasabi sa mga kaibigan mo ng information na ibibigay ko! Hindi mo ako acknowledge o kaya CTTO (credit to the owner). Ikaw na ngayon ang sikat! Ako, walang napala!
*
Hi Alex,
OK lang ba tawanan ang isang taong nadapa?
Meldy ng Navotas
Hi Meldy,
Wag mong tawanan, masama yun! Video mo na lang tapos post mo sa social media, baka mag-viral, sisikat ka pa!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.