BY DANTE A. LAGANA
Paghihinagpis ang namutawi sa comedienne-singer na si Gladys Guevarra sa ipinost niyang video nitong Wednesday sa kanyang Facebook Page.
Mugto na ang mga mata ni Gladys kakaiyak habang nagla-live upang kausapin at magpaliwanag sa mga followers niya na karamihan ay umo-order ng kanyang mga kakanin. Ito na ang nagsisilbing online business ni Gladys sa gitna ng pandemya kasama ang kanyang partner.
Dinetalye niya ang usaping pera at sa nawindang na relasyon nila ng kanyang Dada na si Leon Sumagui. Ayon pa kay Gladys may babae raw ang dyowa niya na biglang lumayas at nagimpake na dala ang pera niya.
Litanya ni Gladys, “Ito po ay may kinalaman sa personal kong buhay. Ito po ay may kinalaman doon sa pinakilala ko sa inyong dyowa ko. Pinakilala ko sa inyong partner ko which is si Dada, si Tiger, ok? Meron po kaming hindi pagkakaunawaan from last night so I’ve decided na kanselin lahat ng orders and up to this very moment itong buong maghapon na ito ang tagal bago ko po nakuha lahat nung perang ibinayad ninyo.
“Yung sinasabi ko pong hindi inaasahang kadahilanan e yung akin pong partner. As you guys noticed noong una pong nago-order kayo ang binibigay ko pong bank details ay BDO account ko. Ang salita po ng partner ko ang ilalagay na lang niya sa system at sa page is yung BDO account niya BPI account niya at GCash niya sa kadahilanang wala akong BDO online so hindi ko mamo-monitor lahat ng perang papasok or lahat ng ibabayad sa order. So pumayag ako out of trust, out of good faith dahil nga partner ko siya at karelasyon ko siya.
“Ito pong hindi inaasahang kadahilanan e medyo hindi kami nagkaroon ng pag-uusap from last night hindi kami nagkaunawaan hindi kami nagkaintindihan. Dumating po kami sa puntong ok fine hiwalay na po kami today. Wala na po kami today.
“But as I’ve said buong maghapon yun po ang inasikaso ko maibalik yung pera because sabi ko sa tagal ko sa industriyang ito never po akong nagkaroon ng problema tungkol sa pera. Never pong nasira ang pangalan ko tungkol sa pera at ito po ang kinakasama ng loob ko ngayon. Diba ang sakit sa loob na karelasyon mo pa. Well I’m not saying na tinakbo yung pera but some of it tinakbo na talaga dahil ayaw nang sumagot ngayon, ayaw nang ibigay at ayaw nang sumagot ng tawag.”
Nagbigay pa ng mensahe si Gladys sa kanyang dyowa kung sakaling mapanood ang video niya. Aniya, “kung mapapanood mo ito Leon hindi naman masakit yung pagkakawala mo e. Ang masakit doon ilan tong taong ito na tatanggalin mo yung tiwala sa akin dahil sa ginawa mo.”
Wala pang pahayag ang dyowa ni Gladys habang sinusulat namin ito. (Dante A. Lagana)