BY ALEX CALLEJA
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Maglalagay na ng white sand sa Manila Bay kaya naman natutuwa ako kasi lilinis na ang Manila Bay. Malapit lang kasi kami sa Manila Bay at madalas kaming mamasyal doon kaya nakikita namin kung gaano kadumi ito. Madumi ang tubig pati na rin ang lupa (buhanging itim) na nakapaligid dito. Kapag nakumpleto na ba ang paglagay ng white sand eh bubuksan ba ito sa public at puwede na kaming lumangoy, excited na kasi kami eh!
Grace ng Intramuros
Hi Grace,
Hindi porke’t white sand na ang Manila Bay eh puwede ng paliguan. Hindi pa kasi nalilinis ang tubig ng Manila Bay. Hindi rin sigurado na magtatagal ang white sand kapag may bagyong dumaan o kaya nag-erode ang buhangin. Wag kang ma-excite, kasi kung white sand ‘yun tapos tuloy pa rin ang mga kababayan natin sa pagtatapon ng basura, aba, magkakaroon tayo ng kauna-unahang basurahan na white sand!
*
Hi Alex,
Magmomonitor na raw ang kapulisan sa social media para sa mga violators ng quarantine. Paano po ba yan eh may mga throwback ako na mga pictures na nangyari ng wala pa ang pandemic. Ang Facebook kasi eh may memories na options kung saan pinapakita nila ang mga pictures mo sa nakaraan. Eh kapag nakakakita ako ng mga pictures na may parties at gatherings sa bahay, repost agad ang ginagawa ko kaya akala nila bagong pictures. Ano po ba ang gagawin ko para maiwasan na mapagbintangan ng mga pulis?
Francis ng Sta. Cruz
Hi Francis,
Kung hindi mo maiwasan mag-repost, puwede mo naman lagyan ng caption na throwback siya or lumang picture siya. O kaya, gamit ka ng Photoshop, lagyan mo ng mga bisitang pulis para hindi ka mahuli! Ewan ko ba naman kasi sa Facebook, alam ng nasa pandemic tayo at hirap lumabas, magpapaalala pa ng mga nakaraan natin kung saan nakakalabas pa tayo! Ang Facebook dapat ang hinuhuli eh!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@ yahoo.com or facebook/twitter/ instagram: alexcalleja1007.