BY ALEX CALLEJA
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Gusto ko mag-alaga ng halaman sa loob ng bahay pero natatakot ako baka, mamatay. Mahal kasi ang mga indoor plants kaya gusto ko lang makasiguro na mabubuhay ko. May mga halaman kasi na magaganda pero mahigit isa o dalawang libo ang halaga. Ang dami ko pa naman gustong bilhing halaman pero ang mamahal. Nabasa ko kasi na nag-aalaga ka ng halaman at gusto ko humingi ng payo sa inyo. Ano ba ang halaman na magandang bilhin, yung hindi madaling mamatay, hindi mahirap alagaan, hindi kailangan diligin at hindi madaling malanta?
Melissa ng Pasay
Hi Melissa,
Gusto ko lang linawin na hindi ako eksperto sa pag-aalaga ng halaman. May nagbigay lang sa akin kaya nag-alaga na ako. Sa tanong mo kung anong halaman ang magandang alagaan na hindi madaling mamatay, hindi mahirap alagaan, hindi kailangan diligin at hindi madaling malanta, may sagot ako dyan! Artificial o pekeng halaman ang bilhin mo! Pagkabili mo, display mo at wala ka ng iintindihin!
*
Hi Alex,
Sobrang bagal ng Internet namin. Laging mahina ang download at upload speed kaya laging lag. Matagal na ako nagrereklamo pero hindi naman ako sinasagot. Kapag tumatawag naman ako sa customer service eh hindi macontact o kaya matagal kang paghihintayin. May nakausap naman ako after 1 hour pero nangako lang na titignan ang problema pero hindi naman ako binalikan. Ayaw ko na sabihin ang pangalan ng Internet provider kasi baka mamaya sabihin eh sinisiraan ko lang. Ano ba ang maipapayo mong gawin ko Tito Alex?
Lani ng Taguig
Hi Lani,
Ito ang maipapayo ko sa’yo! Try mo mag-tweet sa Twitter ng reklamo mo at tag mo ang Internet provider mo. Kapag hindi ka pinansin, kausapin mo si Liza Soberano, sa kanya ka magpatulong. Mas mabilis ang aksyon kapag siya ang nagreklamo, isang tweet lang, palit agad ng Internet service provider! Try mo!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.