BY ALEX CALLEJA
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Nabalitaan ko na may panukalang ilalabas na puwede ng umiksi ang distance para sa social distancing sa mga pampublikong sasakyan. Ang balita ko kada 2 weeks eh iiksi na ito. Mula sa official na 1 meter eh magiging .75 daw ito, tapos after 2 weeks eh magiging .50 meter then after 2 weeks eh maging .30 meters na daw. Ano po ang logic sa panukalang ito kasi lagi po akong sumasakay sa mga pampubliko o pampasaherong sasakyan? Ayaw ko po kasi mahuli at malagyan ng penalty.
Arvin ng Ortigas
Hi Arvin,
Nabali taan ko rin ang panukala at hindi ko alam kung mapapWatupad ito. Alam ko sa unang basa nakakatawa dahil kada 2 weeks eh mababawasan ang sukat ng social distancing. Hindi ko alam kung nakausap nila ang virus o napag-aralan nila ang virus at napre-predict nila na hihina ito sa mga susunod na weeks. Hindi ko rin alam kung paano nila nacompute ang distance na pwede na kada-linggo. May mga naiinis dito pero may mga natutuwa rin lalo na kung binata ka at may crush kang babae na lagi mong nakakasabay sa jeep! Maghintay ka lang ng konting panahon, magdidikit rin kayo!
*
Hi Alex,
Naka-quarantine kami ni misis at dahil work from home ako, minsan hindi ako nakakaligo. Ang problema, laging nagrereklamo ang misis ko na mabaho na raw ako. Tamad na tamad ako maligo at hindi ko naman naaamoy ang sarili ko na mabaho. In fact, wala nga akong maamoy sa katawan ko! Ano kaya ang gagawin ko?
Jerry ng Cubao
Hi Jerry,
Hindi ko problema ang misis mo kasi naaamoy ka niya. Ibig sabihin, wala siyang COVID-19 dahil isa sa sintomas ng COVID- 19 eh nawawalang ka ng pang-amoy! Ikaw ang problema ko dahil hindi mo naaamoy ang sarili mo! Magpa-check-up ka agad! Kapag negative ka, maligo ka dahil may nagrereklamo na sa’yo, ayaw mo pa makinig! Ano ka, DoH!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@ yahoo.com or facebook/twitter/ instagram: alexcalleja1007.