BY JUN NARDO
Naudlot na nang tuluyan ang pagsasama nina Marian Rivera at Gabby Concepcion sa Kapuso series na “First Yaya.”
Takot si Yan sa COVID-19 lalo na nga’t nagpapadede pa siya sa bunsong anak na si Ziggy.
“Hindi ko na ito magagawa. Takot ako sa virus lalo na’t may mga anak ako.
“Tinawagan ko rin si Kuya Gabby para sabihing hindi ko kayang gawin ito sa sitwasyon ngayon at sa kalagayan ko bilang ina. Naiintindihan naman niya.
“Natutuwa naman ako sa GMA dahil naiintindihan nila ang rason ko. Alam ko na para sa akin talaga ‘yung role.
“Palitan man ako o hindi nila ituloy eh, wala namang problema sa akin,” paliwanag ni Yan sa Zoom interview niya sa press.
Lumabas lang siya sa bahay noong gumawa siya ng dalawang TV commercials.
“At least ‘yon. Limang oras lang tapos na ang trabaho. Todo proteksyon kami. May dala akog maliit na misting machine at gumamit kami ng two-way radio para mag-usap.
“Tanging ang assistant ko lang ang kasama ko. Pag-uwi sa bahay, ligo at hindi muna ako lumapit sa mga anak ko,” saad pa ng GMA Primetime Queen.
Gaya ng lahat, nagdarasal din siya na matapos na ang pandemya. Gusto rin niyang makalabas ang bunso maski na hanggang sa park ng village nila.
Habang nasa bahay, balak niyang mag-enroll sa isang online baking class. Kahit may health crisis, bukod sa pagiging ina at maybahay ni Dong (Dantes), teacher din siya sa online classes ng anak na si Zia at negosyante ng flower shop.