BY DELIA CUARESMA
Tuluy-tuloy na nga ang pagpasok ng Kapuso hunk na si EA Guzman sa mundo ng pagnenegosyo.
Ito nga at bukod sa kanyang food business na Adobong Tuyo ni Mommy Sarrie, isang clothing line business naman ang malapit nang ilunsad ng Kapuso actor.
Ibinahagi ng poging aktor sa “24 Oras” kung paano niya nabuo ang ideya.
“Kapag nag-post ka ng OOTD sa social media mo, nakikita nila ‘yung shirts, kung paano ‘yung porma mo. Maraming nagtatanong na, ‘Saan mo nabili ‘yung shirt mo?’ So naisip ko bakit hindi ako magtayo o mag-business ng clothing line na ako mismo ‘yung pipili ng tela ng shirt, ako mismo ‘yung pipili ng design,” paliwanag niya.
Kampante si EA kahit wala siyang background sa business management, dahil marami naman daw siyang kaibigang negosyante na nagbibigay sa kanya ng advice ukol sa business skills at strategies.
Payo niya sa mga nais magsimula ng negosyo ngayon: “Hangga’t maaga, gawin na natin. Kung gusto natin mag-business, gawin na natin. Kung susugal tayo, sugalan natin. Puso lang. Tiwala lang sa gusto mo mangyari, tiwala lang sa goal mo sa buhay.”
Oo nga naman!